
Rhed Bustamante grateful to Coco Martin, recovers from bad past
Pang-MMK ang buhay ng magaling na child actress na si Rhed Bustamante.
Na-discover siya noon sa Showtime Babies ng It’s Showtime kung saan siya nakilala bilang Baby Rhed.
Nagbida na rin siya sa TV series na Flor de Liza bilang Liza, batang Meg Imperial sa Galema, Anak ni Zuma, Melay sa Pusong Ligaw at sa kasalukuyan ay napapanood siya bilang Anna sa longest running ABS-CBN teleserye na FPJ’s Ang Probinsyano.
Ilan sa mga pelikulang nagawa ang Maria Leonora Theresa at The Amazing Private Benjamin 2 ni Wenn Deramas pero sa 2016 MMFF horror movie ni Erik Matti na “Seklusyon” siya napansin at nanalo ng jury award for acting.
Pagkatapos manalo ng award, akala niya ay tuluy-tuloy na ang kanyang pagsikat subalit naging masalimuot din para sa talented child wonder ang pag-aartista.
Katunayan, dumanas din siya at ang kanyang pamilya ng maraming pagsubok sa buhay.
May pagkakataong noong wala siyang offer, naranasan niya at ng kanyang pamilya ang maputulan ng kuryente, mapalayas sa kanilang tinitirhan at magtinda nag kape at tinapay sa tabi ng riles ng tren.
Naging malaking hamon din sa kanya ang pagkakaroon noon ng pambihirang sakit sa balat na siyang dahilan para mai-feature siya at ang kanyang kalagayan sa Rated K.
Ito ang nagbigay daan para matulungan siya ng Primetime King na si Coco Martin na makabalik sa sirkulasyon.
Pero kumusta na ba ang isang Rhed Bustamante pagkatapos ng lahat ng kanyang pinagdaanan?
“Nagtitinda pa rin po kami, kasi ayaw po namin siyang bitawan. Ngayong nasa Probinsyano na ako, maayos naman po ako,” sey niya.
Tungkol naman sa kanyang sakit sa balat, nagagamot na rin daw ito.
“Ngayon, okey na rin po ang balat ko kasi may mga cream naman po akong gamot,” pahayag niya.
Kahit naghirap, hindi raw niya naisip o ng kanyang pamilya na ibenta ang mga naipundar niya sa pag-aartista tulad na lamang ng kanilang sasakyan at ilang alahas.
“Hindi po namin iyon binebenta. Galing po kasi siya sa mga naipon ko sa mga projects ko, so hindi po namin siya ibinebenta kasi naipon ko po iyon,” paliwanag niya.
Aminado rin siya na napakalaki ng utang na loob niya kay Coco para maging magaan kung hindi man kumportable ang kanyang buhay ngayon at makabalik sa showbiz.
“May bago na po kaming tinitirhan, may sasakyan, may business din po kami. May sari-sari store . Nagtitinda rin po kami ng perfume. Wish ko lang po na magtuluy-tuloy na po ito at more projects to come,” pagwawakas niya.
Si Rhed ang kauna-unahang contract artist ng Mannix Carancho Artist and Talent Management nina Amanda Salas at Mannix Carancho, ang top honcho ng Prestige International.
Maraming balak sa kanya ang pamosong artist at talent management company tulad ng mga teleseryes, TV shows at pagbibida sa movies.
Bukod kay Rhed, nasa pamamahala rin ng kumpanya si Alliyah Cadelina, ang 7 time Tawag ng Tanghalan defending champion na sumabak na rin sa pag-arte sa pelikulang Finding You ng Regal Entertainment.