
Judy Ann shows her different side, now a “kontrabida”
SA mga seryeng ginawa noon ni Judy Ann Santos ay siya ang bida. Pero this time, sa bagong serye niya na Starla mula sa Kapamilya network, ay hindi siya ang bida, kontrabida ang role niya.
May paliwanag si Juday kung bakit siya pumayag na tanggapin ang nasabing serye kahit hindi siya ang bida.
“Ang tagal ko kasing hindi nag-teleserye, so I wanted to show something new, something different,” sabi ni Juday.
Patuloy niya, “Gusto kong gumawa ng isang karakter na hindi ko pa nagagawa sa isang teleserye o sa buhay ko sa pagiging artista.
“Sakto rin na ‘yung pagiging kontrabida sa isang teserye na pambata. Hindi siya ganu’n kaseryoso kasi nga, may dahilan kung bakit siya naging matigas.
“Hindi naman siya basta masamang tao lang.”
Excited na nga raw siyang mapanood ng mga anak niya ang Starla dahil ang alam daw ng mga ito ay isa lang siyang TV host at hindi artista. Ayaw daw maniwala ng mga bagets na umaarte rin siya.
“’Pag napanod na nila ‘yung Starla, du’n pa lang sila maniniwala na artista nga ako,” natatawang sabi pa ni Juday.
Nabanggit nga rin ng magaling na aktres na sa tuwing pagkatapos ng isang teleserye niya ay nabubuntis siya, kaya natagalan din bago siya mapanood ulit. This time ba ay magbubuntis ulit siya after ng Starla?
“At 41? Alam ninyo, naiisip ko naman. Naiisip ko lang, period.
“Pero hindi pa naman namin naiisip gawin. Kasi as you age, marami nang kailangang i-factor-in, di ba?
“Siyempre, hindi na ganu’n kadaling magbuntis, hindi na ganu’n kadaling… ‘yung energy ko, nag-iiba na.
“And ‘yung reality of raising a child at this day and age, it’s very different and very difficult. ‘Yung gastos, lahat, eh.
“Pero when you see your kids growing up beautifully and napalaki mo sila ng tama, parang gusto mo pang magdagdag nang magdagdag. Ang sakit lang talagang manganak.”
Ang Starla ay mapapanood na simula sa October 7 sa Primetime Bida ng ABS-CBN 2.