
VP Leni Robredo encourages Pinoy filmmakers to join INPFF 2020
Aarangkada na ang ikatlong edisyon ng Istorya ng Pag-asa Film Festival.
Bukas na ang taunang kompetisyon sa pagtanggap ng mga kalahok mula sa lahat ng filmmakers, maging amateur man o professional.
Ang deadline sa pagsusumite ng entries ay nakatakda sa Marso 27, 2020. (Sa mga gustong lumahok, mangyari lamang bisitahin ang kanilang website na istoryangpagasa.ovp.gov.ph.)
Sa bagong edisyon nito na magaganap sa susunod na taon, mas pinaigting at pinalawak ito dahil mas malalaki ang mga papremyong naghihintay sa mga mananalo.
Ang best film ay tatanggap ng P100,000 samantalang ang first at second runners up ay pagkakalooban ng P50,000 at P30,000.
Ang Istorya ng Pag-asa Film Festival ay programa na itinatag ni Vice President Leni Robredo sa ilalim ng kanyang tanggapan.
Naniniwala kasi siyang napakahalaga ng papel ng medium ng filmmaking para makapaghatid ng mga kuwento ng pag-asa at inspirasyon sa ating mga kababayan lalo na sa isang bansang minsan ay nalulugami na sa hirap sa kanyang pagharap sa araw-araw na hamon ng buhay.
Ito rin ang dahilan kaya itinatag niya ang Istorya ng Pag-asa Filmfest noong 2016.
“Sa panahon ngayon, importante ang makapagbigay tayo ng mga kuwentong makapagbibigay ng pag-asa at kapupulutan hindi lang ng aral kundi ng inspirasyon ng ating mga kababayan.
“Ang istorya ng pag-asa ay istorya ng bawat Pilipino…ng kanilang tagumpay at patuloy na pakikibaka sa buhay.
Sa pamamagitan ng Istorya ng Pag-asa, naniniwala kami na ang bawat Pilipino ay mapagbubuklod.
“Mapagbubuklod sa mga kuwento ng pag-asa, ng pagsisikap, ng marubdob na pananampalataya sa Diyos at sa paniniwala sa kabutihan ng bawat tao. At ito ang tema ng bawat kuwento na tampok sa Istorya ng Pag-asa,” ani VP Leni.
Mula sa roving photo gallery ng kuwento ng pag-asa noong 2016, malayo na ang nilakbay nito.
“Sabi ko nga, hindi ba’t maganda kung hindi lang sa mga litrato maaaninag ang pag-asa. So, we decided to bring the program a step further, to do justice to the beautiful stories that need to be told kaya ipinanganak ang Istorya ng Pag-asa filmfest,” pahayag niya.
“We wanted to elevate the art of storytelling to inspire more people and give them hope to rise above today’s extraordinary times because the miracles that we need to shape our future are best told through the screen. If we are to send our message to our people in the most powerful way, we must choose the medium that makes them cry poignantly, laugh wholeheartedly, or be moved to action by empathy. That medium is film,” dugtong niya.
“Kaya nga, noong November, 2017, naging kaalyansa namin ang Ayala Foundation at doon ipinanganak ang Istorya ng Pag-asa Short Film Festival.
“We initially planned the film festival to be a one-time event to celebrate our one-year anniversary. But because of the wealth of stories submitted to the Office of the Vice President in 2018, we have decided to make the film festival an annual event,” ani VP Leni.
Abot-abot din ang pasasalamat niya sa suportang ibinigay ng Ayala Foundation sa pamumuno ng pangulo nitong si Ruel Maranan sa kanyang adbokasya.
“Truly, we’re very honored to have with us a very reliable partner, the foundation who has been instrumental in bringing hope to our very poor communities through their outreach programs and I’m hoping na malayo ang lalakbayin ng Istorya ng Pag-asa,” pagtatapos niya.
Ang sampung finalists na mapipili sa Istorya ng Pag-asa Film Festival ay ihahayag sa April 30, 2020.
Lahat ng mananalo ay sasailalim sa masusing workshop mula Hunyo 11-12, 2020.
Ang awarding ceremony at gala night ay gaganapin sa Hunyo 12, 2020, Araw ng Kasarinlan.
Ang top three films na mananalo sa naturang filmfest ay ipapalabas din sa lahat ng sangay ng Ayala Mall cinemas.