
Judy Ann can’t believe she won a Cairo award
Para sa Teleserye Queen na si Judy Ann Santos, never niyang naisip na mananalo siya ng acting award sa isang prestihiyosong international filmfest tulad ng Cairo Filmfest na ginanap ang ika-41 na edisyon sa Egypt noong Nobyembre 29.
Katunayan, clueless siya na siya ang itinanghal na best actress sa nasabing taunang international filmfest kung saan nanalo rin ang Superstar na si Nora Aunor noong 1995 para sa pelikulang “The Flor Contemplacion Story.”
“Nagtataka ako. Takang-taka ako kasi when I woke up, ang daming nagko-congratulate sa akin sa text. Hindi ko alam kung bakit. Basta congratulations lang tapos anong dahilan? Bakit kaya? Siyempre, baka naaalimpungatan pa ako. Baka nangangarap pa ako o baka hindi pa ako gising. Kasi, wala naman akong ginagawa nang panahong iyon. Sabi ko, dapat ba nila akong i-congratulate dahil naglinis ako ng kusina. So, wala,” kuwento niya.
“I was not aware what was happening, though I know our film was in Cairo, alam ko ang nangyayari. Wala kasi akong expectations whatsoever. And then finally, Direk Brillante congratulated me and sent me the photo of the award. Doon na lang nag-sink in sa akin na nanalo ako,” dugtong niya.
Kahit nga raw nanalo siya, nag-alinlangan pa rin siya dahil hindi pa niya hawak ang trophy pero nahimasmasan daw lamang siya nang mahawakan niya ito.
“Hindi ako makapaniwala, eh ngayon lang talaga nagsi-sink in sa akin kasi hawak ko na siya. Pero for the longest time, mula na kinongratulate ako, part of me, parang nag-shutdown. Sabi ko, hindi ito totoo. Hindi ito nangyayari,” pagpapatuloy niya.
Ayon pa kay Judy Ann, sobrang thankful siya sa natanggap na blessing.
“It’s a very, very big blessing for 2019 not just me , but for the industry, for the cinema. It’s nice that we’ve been known in different parts of the world. Hindi ko lang ma-explain kung paano ko siya ilalatag. Walang paglugaran ang kaligayahan ko. Kasi never in my wildest dreams na makikilala ako sa ibang bansa for my craft,” paliwanag niya.
Hirit pa niya, malaking bagay din daw na naidirek siya ng Cannes award winning director na si Brillante Mendoza at nakatrabaho niya ang multi-award winning at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon kaya natulungan siya para mas mailabas pa ang kahusayan niya.
“Actually, hindi naman mahirap katrabaho si Allen kasi even though ito iyong first project namin together, it’s not hard to work with him. Although, very few lang iyong mga scenes namin dito, but iyong mga scenes na ginawa namin were very important . It’s a big part of the movie na ang mga eksena namin konting-konti ay may kahulugan. Mabibigat siya at makikita mo ang mensahe,” ani Judy Ann.
Puring-puri rin niya si Allen at maging ang kanyang direktor na si Brillante.
“Silent actor si Allen, eh. Bibitaw lang siya kapag rumorolyo na iyong kamera, but we both listen to each other. We support each other kasi pareho kaming magulang. Iisa kasi ang pinanggagalingan ng aming emosyon, isa kami ng pinanggagalingan ng hugot pagdating sa mga eksena namin, and with Direk Brillante naman, very clear kasi iyong gusto niya, so hindi siya mahirap maitawid,” esplika niya.
Sa “Mindanao,” ginagampanan ni Judy Ann Santos ang papel ni Saima, isang Muslim na sa kabila ng digmaan at pakikibaka ng kanyang anak sa sakit na kanser ay patuloy na umaasa na maliligtas ang kanyang mag-ama sa nakaambang kamatayan tulad na lamang ng mga karakter sa epikong ikinukuwento niya sa kanyang bunso.
Sey pa ni Judy Ann, marami raw ang makaka-relate sa kuwento nito lalo na ang pamilyang Pilipino.
“Basically part of the movie is sending the message to everyone that it really does not matter if we have different religion o kanya kanya tayo ng relihiyon. Pagdating sa tunay na buhay, iisa lang naman ang pinagdadaanan natin, at pagdadaanan natin kapag may sakit. Bilang sundalo naman, ang Muslim na sundalo, ipaglalaban ang Pilipinas sa kapuwa niya Muslim. So, it’s sending a message na we can not judge each and every person based on religion. We have our own different problems but we have to respect each other. It doesn’t matter if mayaman o mahirap,” aniya.
“Masyado na kasi tayong nagiging judgmental, pag sinabing Mindanao. There’s more to it than just the war. There’s more to it than just poverty. There’s more to it than just being a a Muslim. Marami ring silang pinagdadaanan and we have to see that part of them also and understand that all of us are human beings. All of us are created equally by God, so we really have to support each other,” pagtatapos niya.
Mula sa Centerstage Productions sa pakikipagtulungan ng Solar Entertainment at sa direksyon ni Brillante Mendoza, tampok din sa “Mindanao” sina Yuna Tangog, Ketchup Eusebio, Epy Quizon, Vince Rillon at Ruby Ruiz.
Ang “Mindanao” ay mapapanood sa mga sinehan sa buong bansa simula sa Disyembre 25, araw ng Pasko.