
Vice admires Ion’s decision to admit their status publicly
Para kay Vice Ganda, ang darating na Pasko ang maituturing niyang pinakasaya at pinakamakahulugan para sa kanya.
Bukod sa meron siyang filmfest entry na “The Mall, The Merrier,” very happy din ang lovelife.
Kung dati, hindi siya very vocal pag-usapan ang mga lalaking naka-relasyon, ngayon, very proud pa siya na ipangalandakan ito sa publiko.
Sa mga past relationships siya, madalas din daw na sila lang ng dyowa niya ang nakakaalam.
Ngayon, sa pagpasok ni Ion Perez o Mr. Escort sa buhay, malaki ang pagbabagong dala nito sa kanya, ayon sa It’s Showtime host.
Sa lahat daw ng kanyang naging dyowa, si Ion lang daw ang hindi pumayag na ilihim ang kanilang relasyon kaya naman doon niya napatunayan kung gaano siya kamahal nito.
“Masaya ang puso ko. In lab ako. Kasi, marami akong nagugustuhan in the past pero hindi naman ako nai-inlab. Maraming pagkakataon in the past, may minahal ako, pero hindi naman ako minahal. May mga pinili ako pero hindi ako pinili. Ngayon, masaya ako kasi iyong taong mahal ko, pinili rin ako,” aniya.
Sey pa niya, napatunayan din daw niya ang kawagasan ng intensyon sa kanya ni Ion.
“Ang hindi ko makakalimutan kay Ion, noong nagtanong siya kung bakit hindi puwedeng sabihin. Kung bakit hindi puwedeng aminin. Bakit hindi puwedeng aminin iyong tungkol sa aming dalawa. Hindi niya matanggap na bakit hindi natin puwedeng sabihin. Noong naramdaman ko iyong nararamdaman niyang sakit, na-realize ko, kung hindi ako mahal ng taong ito, hindi siya masasaktan na tinatago namin ang isa’t-isa. Kasi ganoon ang naging sistema ng mga taong minahal ko in the past na parang okey lang sa kanila iyong ganoong setup. ‘Sige, magdyowa tayo, mahal natin ang isat-isa pero tayo ang nakakaalam,’ pero siya, hindi siya papayag. So, doon ko na-realize na mahal ako ng taong ito,” paliwanag niya.
“Mahal ako ng taong ito dahil kaya niya akong panindigan. Siya lang ang may boses at dila na kayang ipagsigawan ang pangalan ko at sabihing may damdamin siya para sa akin. Siya lang din ang may kamay na kayang humawak sa akin kahit maraming nakatingin. Siya rin lang ang may kayang yumakap sa akin kahit maraming nakatingin at hindi kami nagtatago sa dilim. Kaya noong ginawa niya iyon sa akin, sabi ko, totoo na ito. Sabi ko, hindi na ito katulad ng dati na nagse-settle ako para lang hindi zero at masabing may dyowa ako,” dugtong niya.
Tsika pa ni Vice, thirteen months na silang magdyowa ni Ion at na-meet na rin niya ang mga magulang at mga kapatid nito.
Katunayan, kasundo raw niya at mahal na mahal din siya ng mga ito.
Dagdag pa niya, magkakilala rin ang kanilang mga nanay at aprub naman ang mga ito sa kanilang relasyon ni Ion.
Kabituin ni Vice sa “The Mall, The Merrier” sina Anne Curtis at Dimples Romana.
Kasama rin sa cast members na magpapasaya sa araw ng Pasko sina Tony Labrusca, Elisse Joson, Jameson Blake, Lassy Marquez, MC Calaquian, Brenda Mage, Petite, Jin Macapagal, Wacky Kiray, Negi, Chad Kinis, Matmat Centeno, Juliana Segovia, Ion Perez, Jackie Gonzaga, Greg Hawkins, Carlo Mendoza at Miel Espinosa.
Mula sa direksyon ni Barry Gonzales, ang “The Mall, The Merrier” na iprinudyus ng Star Cinema ay opisyal na kalahok sa 2019 MMFF.