
Aga Muhlach exchanges messages with Korean actor Ryu Seong Ryong
Para sa magaling at multi-awarded actor na si Aga Muhlach, maituturing niyang mapalad siya dahil sa edad na 50, patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaan ng lead roles ng movie producers.
Aniya, ito raw ang itinuturing niyang pinakamalaking himala sa kanyang buhay.
“I’m blessed that I still get to do what I love best, which is acting,” bulalas niya.
Ayon pa kay Aga, na-miss niya ang paggawa ng pelikula para sa MMFF.
“It’s a dream come true for me. Noong una, pinangarap ko ang magkaroon ng super hero movie sa MMFF. Now, I’m here at sobrang blessed ako na nakasama siya sa magic 8,” lahad niya.
Bida si Aga sa Miracle in Cell No. 7, ang Pinoy adaptation ng isa sa highest grossing films of all time sa Korea na kalahok sa ika-45 edisyon ng Metro Manila Film Festival.
Sa pelikula, ginagampanan niya ang papel ni Joselito, isang mentally challenged na padre de pamilya na nawalay sa kanyang anak nang makulong siya pagkatapos mapagbintangan sa krimeng hindi niya ginawa.
Bagamat nakalabas na noon bilang autistic sa Nag-iisang Bituin, ibang hamon naman daw ang hatid sa kanya ng role ni Joselito.
“It’s more than a movie about father and child. It talks also about friendship, hardened criminals and their humanity and also of fatherhood and their capacity to love despite handicap,” paliwanag niya.
Pagbabahagi pa niya, wala raw siyang naging peg sa karakter.
Katunayan, nang gawin niya ang pelikula, hindi raw niya pinanood ang orihinal na Korean version dahil ayaw niyang maimpluwensiyahan.
“Sabi sa akin ng producer ko, I watch the film, but I never really watched the film. Sinisilip silip ko lang…one sequence and one sequence kasi ayokong maimpluwensiyahan,” aniya.
“Yes, it’s a remake but I have the feeling that we own the film. Ginawa namin ang pelikula na parang original talaga ang kuwento. Pati iyong humor niya, may sensibility ng Pinoy. It was that feeling all the time…all the time that we made the film,” pahabol niya.
Masaya rin siya dahil sa loob lamang ng dalawang linggo mula nang i-launch ang teaser nito sa social media, naging bukambibig na ito at umani ng humigit-kumulang na 20 million views sa lahat ng media platforms.
Sey pa niya, malaking karangalan din sa kanya na nagustuhan ito ni Ryu Seong Ryung, ang acclaimed Korean actor na gumanap sa orihinal na bersyon.
“Na-appreciate ko iyong pag-like at pag-comment niya .Actually, we texted each other. I texted him. We are in constant communication now, that’s why I’m inviting him to the premiere. Sinabi niya sa akin, it’s really an honor to be invited to the premiere. He’s just fixing his schedule because he’s also busy,” pagtatapos niya.
Mula sa produksyon ng Viva Films, sa panulat ni Mel Mendoza Del Rosario at sa direksyon ni Nuel Naval (A Secret Affair, This Time), tampok din sa Miracle in Cell No. 7 sina Xia Vigor at Bela Padilla.
Kasama rin sa powerhouse cast sina Tirso Cruz III, Joel Torre, John Arcilla, JC Santos, Mon Confiado, Soliman Cruz at Jojit Lorenzo.
Ang Miracle in Cell No. 7 ay magbubukas sa lahat ng sinehan sa buong bansa simula sa Disyembre 25, Araw ng Kapaskuhan.