May 24, 2025
Bossing on being number one: Hindi ko na iniisip ‘yun
Latest Articles

Bossing on being number one: Hindi ko na iniisip ‘yun

Dec 17, 2019

Para kay Bossing Vic Sotto, naging tradisyon na niya ang sumali sa taunang Metro Manila Film Festival.

Katunayan, naging matagumpay ang kanyang Enteng Kabisote series noon. 

“Alam mo kasi, iyong MMFF, parang kulang ang Pasko ko pag wala akong pelikula tuwing Christmas. Nasa dugo ko na iyon,” aniya. 

“Siguro, sabi nga ni Jose (Manalo), panata na siya,” dugtong pa niya. 

Naging misyon na rin daw niya ang makapagbigay ng kasiyahan sa kanyang mga tagahanga at lahat ng tumatangkilik ng kanyang mga pelikula. 

“Ang importante kasi, we see to it, we come up with something different and new always tulad nitong Mission Unstapabol, it took us a long, long time. Sa concept, istorya at casting, it’s a very long process. Nang makita namin iyong final na produkto, eh sulit naman iyong lahat ng pinag-isipan at pinaghirapan, so tanggal lahat iyon,” paliwanag niya. 

Sey pa niya, hindi na rin daw importante sa kanya ang maging number one sa box office. 

“Hindi ko na iniisip iyon. Ang tagal-tagal ko na sa festival. It doesn’t really matter. What matters sa akin personally ay maging matagumpay ang festival in general as a whole. Sana ma-break iyong record last year. Medyo mabigat pero sa tingin ko kakayanin kasi magaganda iyong lineup ng mga pelikula,” pahayag niya. 

Balik-MMFF si Bossing Vic sa Misyon Unstapabol :The Don Identity kung saan kasama niya ang kanyang anak-anakan na si Maine Mendoza. 

Giit pa niya, nakakontrata na raw sila for life sa isa’t-isa, kaya kung may maganda raw proyekto o role para kay Maine, ipinaglalaban daw niya ito.

First time namang lalabas ng kanyang paboritong sidekick na si Jose Manalo bilang kontrabida sa kanilang MMFF entry. 

“Sinisiguro namin na naiiba siya sa nagawa na namin. First time na may pagka-kontrabida ang role niya. Magkapatid kami. Kung paano kami naging magkapatid, iyon ang misteryo ng pelikula,” ani Bossing Vic. 

Sa action-adventure na Mission Unstapabol: The Don Identity  ginagampanan niya ang role ni Don Robert Fortun, isang master strategist na ang misyon ay kunin ang kayamanang Pearl of the Orient Seas sa kanyang ganid na kapatid sa kagustuhang malinis ang kanyang nadungisang pangalan. 

Kasama niya sa misyong ito sina Donna Cruz(Maine Mendoza), Don Zulueta (Pokwang), Don Johnson (Jake Cuenca) at Don Kikong(Jelson Bay).

Join din sa cast nito sina Jose Manalo at Wally Bayola. 

Mula sa produksyon ng APT Entertainment at M-Zet Productions at sa direksyon ni Mike Tuviera, ang Mission Unstapabol: The Don Identity ay kalahok sa ika-45 na edisyon ng MMFF.

Leave a comment