
KathNiel renews ABS-CBN contract, announces Dreamscape project
Kahit hindi pa nare-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, nanatiling loyal ang Kathniel, ang numero unong love team sa bansa.
Katunayan, kamakailan lamang ay muli silang pumirma ng kontrata sa Kapamilya network.
Matapos magkahiwalay sa mga proyekto nang mahigit isang taon, ibinahagi ng phenomenal box office couple ang kanilang sentimyento ukol sa kung anong dapat abangan ng kanilang mga fans ngayong magbabalik telebisyon na sila at bibida sa kanilang paparating na teleseryeng “Tanging Mahal.”
Sa kanilang balik-tambalan, umaasa sila na magle-level up na sila sa kanilang mga roles na gagampanan.
“Siguro it’s gonna be something fresh, kasi medyo matagal rin kami hindi nakapag-trabaho and ngayon, may-trabaho ulit kami siyempre iniintay rin namin ‘to mangyari,” ani Daniel.
“And we’re sure na ang fans, very excited rin na makita kami magkasama, at personally, excited rin kami magtrabho-ulit,” pahabol niya.
Bukod sa kanilang pagbabalik sa primetime, suportado rin nila ang kani-kanilang solo projects.
Kasama na rito ang pelikulang pagbibidahan ni Daniel at ng Asia’s best actress na si Charo Santos para sa pelikulang “Whether the Weather is Fine.”
Ibinahagi naman ni Kathryn ang kaniyang kasiyahan dahil sa nakukuha niyang suporta mula sa kaniyang YouTube channel, “Everyday Kath.”
Sa loob lamang ng dalawang linggo matapos mailabas ang kaniyang unang vlog, umabot na sa halos isang milyon ang kaniyang naaning subscribers.
“Masaya. Higit pa sa subscribers, mas gusto ko yung natatanggap naming mga kumento kasi hindi ko alam na gano’n pala ‘yung epekto sa kanila na masilip ‘yung personal na buhay namin,” ani Kathryn.
Dapat ding abangan ng mga KathNiel fans ang pagbabalik-tambalan ng dalawa sa pelikula ngayong taon.
Nang tanungin ang kanilang saloobin tungkol sa pananatili nila bilang Kapamilya, sagot ni Daniel, “Siyempre sobrang saya at sobrang nagpapasalamat kami na ang tiwala ng ABS-CBN sa amin ay nandiyan pa rin, at ganoon din naman ang tiwala namin sa ABS-CBN. Sobrang saya, sobrang blessed, at sobrang excited kami sa mga paparating pa sa amin ni Kathryn.”
Dumalo sa pirmahan ng kontrata sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak, chief operating officer ng broadcast Cory Vidanes, TV production head Laurenti Dyogi, Star Magic head Johnny Manahan, at head ng treasury na si Rick Tan.