
Kim Chiu on new serye with Xian Lim: Araw-araw, may pasabog!
Balik-teleserye ang tambalan nina Kim Chiu at Xian Lim after 3 years via “Love Thy Woman” ng Dreamscape Entertainment, na tumatalakay sa isang modern Filipino-Chinese family.
Noong isang taon pa ito simulang gawin, and finally, ipapalabas na ito sa February 10.
Dahil may lahing Chinese si Kim, naka-relate siya sa kanyang character bilang si Jia, na pangalawang pamilya ng kanyang amang si Adam Wong, na ginagampanan ni Christopher de Leon.
Sa presscon ng nasabing serye, paulit-ulit nga niyang sinasabi na mapapanood dito ang totoong nangyayari sa isang modern Filipino-Chinese family, particular na ang pagkakaroon ng maraming pamilya ng padre de familia.
Ang huling serye na ginawa nina Kim at Xian ay ‘yung The Story of Us. Dito sa bago nilang serye, ayon kay Kim, ay level-up na raw sila ni Xian. Marami raw silang ipapakita ritong bago.
“Walang kukurap. Araw-araw, may pasabog kami,” sabi ni Kim.
Sabi naman ni Xian, “Definitely, something new ang mapapanood nila. Pati sa lovesecene ay level-up kami rito.”
Since “Love Thy Woman” ang title ng kanilang serye, paano ba mahalin ni Xian ang isang babae?
“Handle with care. Treat her with respect and always communicate. Never let a day go by without settling or without fixing your problem,” sagot ni Xian.
Samantala, madalas magbiyahe abroad sina Kim at Xian. Ito ang nagsisilbing bonding nila together. Aminado naman ang dalawa na malaking tulong din ito sa relasyon nila, dahil mas nakikilala nila ang isa’t-isa.
“Doon mo rin makikilala ang tao, makikita mo ang patience niya, ‘yung mga mannerisms, and all the things that you really don’t get to see kapag nasa comfort zone lang kayo,” sabi ni Xian.
Nang tanungin ang dalawa, kung sino ang mas patient sa kanila, sabay nilang sagot, “ako!”
Ulit ni Kim na natatawa, “Ako! Gutumin kasi siya (Xian), eh. ‘Pag hindi siya pinakain, lumalabas na ‘yung ano niya.”
Wala pa ba silang plano na magpakasal?
“Ay, bata pa kami, mga matatanda na ‘yung nagpapakasal. Tanda talaga? Elder sa amin,” natatawang sagot ni Kim.
Pero napapag-usapan na ba nila ang kasal?
“Hindi naman. Gusto pa naming mag-travel,” sagot ni Kim na natatawa ulit. Na nang marinig ‘yun ni Xian ay sumang-ayon naman siya, sa sinabi ng girlfriend.
Kelan ba nila nakikita ang sarili na magpapakasal? Si Kim ang sumagot. Sabi niya, “Huwag na muna nating unahan. Dito muna tayo, Love Thy Woman.”