
Ronnie thankful to Star Cinema; Loisa says it’s easier to work with real-life bf
Noon pa mang gawin ni Ronnie Alonte ang surprise MMFF hit na Vince and Kath and James na nagtampok sa Joshlia, marami na ang humula na siya ang next matinee idol to watch.
Katunayan, marami rin ang nagpalagay na ang love team nila ni Julia Barretto ang ibi-build up ng Kapamilya network.
Nang pumatok naman at kinagat ng masa ang tambalang Joshlia, naiwan si Ronnie habang naghahanap ng tamang proyekto at love team na magiging swak sa kanya.
Tulad ng istorya ni James sa VKJ, na hindi napili sa isang love triangle movie, nagbabalik si Ronnie para ilahad ang kuwento niya ng pag-ahon sa sequel na James and Pat and Dave, na sequel sa matagumpay na MMFF movie.
“I feel so blessed. Akalain mo, nagka-sequel iyong first movie and it’s focused on me as James. So, l’m really very grateful to Star Cinema for giving me and Loisa this opportunity to star in our own movie together. Kasi, ang tagal din namin itong hinintay. Tatlong taon akong nawala sa movies at ngayon lang ako nakabalik in a lead role again, so I’m very thankful,” aniya. “Kumbaga, Bagong Taon, a new door opens for us, so we really gave our best para patunayang worth it kaming pagkatiwalaan sa aming launching movie as a love team,” dugtong niya.
Para naman kay Loisa Andalio na bagamat nakapagbida na sa Cinemaone Originals movie na Hospicio, itinuturing niyang espesyal ang James and Pat and Dave.
“Siyempre, iba rin po kapag ang ka-partner mo ay boyfriend mo. Actually, sobrang saya po namin ni Ron dahil nabigyan kami ng opportunity. Naging kami po, hindi pa kami magka-love team. Sarap sa puso na napansin kami at kaytagal po talaga namin itong hinintay,” ani Loisa.
Kumpara raw sa ibang love team, ang maii-offer daw nila ay ang kanilang authenticity o pagiging totoo.
“Sa totoo lang po, totoo kami. Kami ay totoong love team at magdyowa. Ang maii-offer namin ay iyong pagiging totoo namin. Iyong pagiging kalog namin, walang kahalo-halong harang, lahat ‘out’ kami. Hindi namin itinatago kung anumang meron kami,” paliwanag ni Ronnie.
“Siguro kami, first time na nabigyan kami nang ganito. Iyong ibang loveteam, marami na silang nagawa, doon pa lamang sila nagka-developan. Sa amin kasi, kami na, bago pa man kami nagkatrabaho,” pahayag ni Loisa.
Tungkol naman sa intrigang baka mauwi rin sa hiwalayan ang kanilang reel and real life romance tulad ng nangyari sa Joshlia na idinirek din ng director nitong si Theodore Boborol, pinabulaanan ito ni Ronnie.
“Hinding hindi mangyayari iyon. Malabong mangyari iyon,” giit ni Ronnie.
Tatlong taon na ang relasyon ng Loinie bilang magnobyo at habang lumalaon ay tumitibay daw ito.
“Siguro, ang key po roon ay iyong communication. Kapag may problema, pinag-uusapan namin agad at hindi pinalalaki at siyempre po iyong love namin sa isa’t-isa,” pagtatapos ni Loisa.
Ang James and Pat and Dave ay umiinog sa kuwento ni James (Alonte), isang spoiled brat na ipinatapon ng kanyang lola sa probinsya para magtrabaho sa isang hostel.Makakatagpo niya roon si Pat (Andalio), ang assistant manager na naatasang mag-train sa kanya.
Kung paano nabuo ang kanilang romansa sa kabila ng kanilang away at magkaibang pananaw sa buhay ay dapat abangan sa Valentine offering na ito ng Star Cinema.
Kasama rin sa cast si Donny Pangilinan bilang Dave, ex ni Pat (Loisa) na naglalayong suyuin muli ang dating nobya.
Mula sa produksyon ng Star Cinema at sa direksyon ni Theodore Boborol ,nasa supporting cast din ng pelikula sina Awra, Myrtle Sarrosa, Ana Abad Santos, Bobby Andrews, Isay Alvarez, Bodjie Pascua, Odette Khan at CJ Salonga.
Ang kilig overload movie na ito ay palabas na sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Pebrero 12.