
Perfectionist director clarifies misunderstanding with Xian Lim
Hindi ikinaila ng magaling at award-winning director na si Sigrid Andrea Bernardo (Lorna, Ang Huling Chacha ni Anita, Mr. and Mrs. Cruz, Kita Kita) na metikuloso at may pagka-perfectionist siya pagdating sa paggawa ng pelikula dahil ito ang kanyang training noong noong nasa teatro pa siya.
Klaro rin sa kanya, kung ano ang gusto niya sa kanyang mga artista kaya naman hindi siya nahirapang kumbinsihin ang kanyang mga bida sa Untrue na sina Xian Lim at Cristine Reyes.
“Nabasa kasi nila iyong iskrip and I’m glad na nagustuhan nila niyang script. I was very frank naman sa kanya (Xian). Sabi ko, you don’t look the part, you’re too ‘model.’ If you really want the role, you have to gain 20 lbs. You have to be deglamorized.. You must look the part. You have to put stubbles. You have to attend workshops because it’s a different genre for him,” kuwento niya.
“Sa kaso ni Cristine, very important iyong red hair kasi kasama iyon sa iskrip, at maiintindihan mo iyon kapag napanood mo ang pelikula, so hindi ako basta papayag na wig. So, it was a non-negotiable deal for me,” dugtong niya.
Inamin din niya na may pagkakataon na nagkaroon sila ng creative differences ni Xian habang ginagawa ang nasabing pelikula na ang kabuuan ay kinunan pa sa Georgia.
“I think lahat naman ng produksyon meron namang isyu. I don’t want to say na wala namang naging problema or what. But for me, during the shoot wala akong problema sa kanya.
“Wala akong masasabi sa kanilang dalawa ni Cristine, they’re all professionals. Lahat naman ng production, nagkakaroon ng problema and ako sa akin, wala na iyon,” ani Direk Sigrid.
“Ang importante, na-resolved na naman siya at tapos na and let’s move on, kasi we have a good film for everyone to see. We did our best. I’m very proud of them because they really did a good job,” pahabol niya.
Ayaw din niyang tumbukin kung ang creative differences nila ay nagmula nang mag-debut si Xian bilang director sa isang Cinemalaya movie.
Hirit pa niya, satisfied daw naman siya dahil naibigay ng dalawa ang hinihingi ng mga karakter nila sa kanyang obra.
“Mahirap talaga iyong shoot. Of course, maraming takes. Kasi ang daming characters na pino-portray nila,” bida niya.
“They’re very professional, very disciplined and very patient naman because alam din nila na hindi akko papayag na basta lang. Sometimes, I think, naiisip nila minsan na ‘bakit hindi namin makuha?’ so they’re kinda frustrated with themselves pero alam naman nilang hindi ko sila pababayaan and I’m happy that they trusted me to direct it,” pagwawakas niya.
Sa Untrue, binibigyang buhay ni Xian ang papel ni Joaquim, isang Pinoy migrant sa Georgia na nakatagpo ang isang mahiwagang babae na magbibigay ng kumplikasyon sa kanyang buhay.
Babalutin ng kasinungalingan ang kanilang relasyon at hahantong ito sa karahasan dahil kapwa sila biktima ng multo ng kanilang nakaraan.
Sa pelikulang may dalawang bersyon ang katotohanan o kasinungalingan, isang kakaibang viewing experience ang ginagarantiyahan ng Untrue.
Mula sa produksyon ng Viva Films at The Ideafirst Company, ang “Untrue” ang unang pagtatambal nina Xian Lim at Cristine Reyes na palabas na sa lahat ng mga sinehan sa kasalukuyan.