
Salute to 2nd Lt. Ronnie Liang for helping medical frontliners
FEELENNIAL
Pinatunayan ni Ronnie Liang na hindi para lamang para umani ng “pogi points” ang pagiging isang army reservist niya.
Kahapon ay sumabak na si Ronnie sa “giyera!”
Ang buong mundo, kabilang ang Pilipinas, ay kasalukuyang may giyera at nakikipaglaban ngayon sa mapamuksang sakit na COVID-19.
At bilang 2nd Lieutenant ng Armor Division ng Armed Forces of the Philippines ay nakiisa si Ronnie sa paglilingkod sa ating minamahal na bansa.
In his army uniform, personal na sumasama si Ronnie sa paghahatid at pagsundo sa mga health worker, tulad ng mga doktor at nurse, kung saan-saang dako ng Metro Manila.

Dahil nga sa national state of calamity, isa sa matinding problema ng mga manggagawang Pilipino ngayon ay ang transportasyon.
May mga kababayan kasi tayo na patuloy pa ring pumapasok sa trabaho, lalo na nga ang mga tinatawag na frontliners, partikular na ang mga health worker.
At dahil marami sa kanila ang hindi maaaring ipagpaliban ang pagre-report sa mga ospital at health clinic, kalbaryo para sa kanila, lalo na ang mga walang sariling sasakyan, ang makarating sa kanilang pinapasukang health facilities.

Kaya naman may mga inilaan para sa kanila ang iba’t-ibang sektor ng pamahalaan na mga public bus (at maging mga army buses) para magsilbing transportasyon ng mga ito.
At para masiguro ang peace and order ay may mga pulis at military na umaalay sa ating mga kababayan.
Isa si Ronnie sa mga umaayuda sa kanyang mga kapwa frontliners na hindi alintana ang pangamba ng virus at matinding sikat ng araw para lamang makapag-serbisyo publiko.