May 22, 2025
Hindi ito ang panahon ng pagdadamot—Judy Ann
Latest Articles

Hindi ito ang panahon ng pagdadamot—Judy Ann

Mar 26, 2020

Sa ginanap na Pantawid Ng Pag-ibig: At Home Together Concert na virtual fundraising concert ng ABS-CBN ay nagsama-sama ang halos lahat ng Kapamilya stars upang magpakita ng suporta at magpaabot ng tulong at dasal para sa bawat mamamayang Pilipino na ngayon ay nahaharap sa matinding panganib ng sakit na COVID-19.

Ginanap ito nitong Linggo, March 22, kung saan ang mga artista at celebrities ng ABS-CBN ay nagbigay ng mga natatanging pagtatanghal at mensahe mula sa puso upang umayuda at magbigay ng pag-asa sa bawat isa.

Ilan sa mga umawit at nagbigay-kasiyahan mula sa kani-kanilang mga tahanan ay sina (in order of appearance) Martin Nievera, Gary Valenciano, Regine Velasquez at Ogie Alcasid, Liza Soberano at Enrique Gil, Toni Gonzaga at Alex Gonzaga  (na nag-vlog), Jona, ang mag-asawang Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, ang The Voice Teens coaches na sina Lea Salonga, Bamboo, at Apl.de.Ap, Ivana Alawi (na nag-vlog din), Yam Concepcion, Billy Crawford, Rey Valera, Vice Ganda, ang Birit Queens na sina Jona, Klarisse de Guzman, Angeline Quinto at Morisette Amon, sina Jericho Rosales at Sam Milby, Karylle, Teddy Corpuz at Jugs Jugueta, ang Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha, Kim Chiu (nag-vlog din), Angeline Quinto, Moira dela Torre with husband Jason Marvin, Zsa Zsa Padilla, Erik Santos, Karla Estrada at Jolina Magdangal, Melai Cantiveros (nag-vlog din), Paulo Avelino, Xian Lim, JM de Guzman, Carlo Aquino, Darren Espanto, Francine Diaz, Andrea Brillantes, Kyle Echarri, at Seth Fedelin (nag-vlog din ang apat na teenstars), Jason Dy, Inigo Pascual, Pokwang (nag-vlog din), Yeng Constantino, Jed Madela at Nyoy Volante.

Muling umawit ang mag-asawang Regine at Ogie, na sinundan ng performance ng Megastar na si Sharon Cuneta. 

Sinundan ito ng solo number sa pagbabalik ni Sarah G bago umawit ang lahat ng Kapamilya stars ng kantang Heal The World.

Ang iba namang Kapamilya stars ay nagbigay ng mensahe para sa sambayanan at pasasalamat para sa mga frontliner na mga bayani ngayong panahon ng kalamidad.

Isa sa mga nagpahayag ng magagandang pananalita ng inspirasyon para sa lahat ay ang multi-awarded actress na si Judy Ann Santos-Agoncillo.

“Sa lahat ng mga Kapamilya natin ngayon na nanonood, kaisa tayo sa lahat ng nangyayari ngayon. Wala na ito sa estado, lahat tayo ay apektado dito sa isang “kontrabida” na hindi natin nakikita, hindi natin siya mararamdaman up until mga ilang araw ang nakalipas.

“Pero isa lang ang masasabi ko: sa pagkakataong ito, lahat tayo ay pare-parehong natatakot, pare-pareho tayong nangangamba. ‘Ano ba ang kinakaharap natin?’   

“Pero karamihan sa atin, maraming supplies, maraming nakahanda.

“Pero hindi ito ang panahon ng pagdadamot.

“Hindi rin ito ang panahon ng pagba-bash sa mga kapwa natin Kapamilya. Sa pagkakataong ito, magtulungan po tayo, magdasal tayo, manalig tayo na malalampasan natin ito bilang Pilipino.

“Wala naman tayong sakuna na hindi nalagpasan. Naniniwala ako na bilang Pilipino, napapagtawanan natin ang lahat ng bagay. Nagagawan natin ng joke ang lahat ng bagay, nami-meme natin siya, nati-Tiktok natin siya.

“Pero ito po ang panahon na magtulungan tayo. Sampung piso, singkuwenta pesos, isandaang piso, na puwede nating maipamahagi sa mga Kapamilya, Kapatid, Kapuso natin, ibigay na po natin.

“Para pare-pareho tayong maging kalmado sa pagkakataong ito.

“Hindi natin hawak ang kinabukasan talaga natin sa pagkakataong ito pero ang meron tayo ay pananalig.

“Iyon ang pinakamalaking sandata na hawak natin sa sakunang pinagdadaanan natin, hindi lang ng Pilipinas kundi ng buong mundo.

“Nakakalungkot pero kung titingnan natin ito sa positibong paraan, hindi ba masaya ring tingnan na nakikita nating lumalaki at nadidiskubre natin ang mga nagagawa ng mga anak natin? Kung ano pa ‘yung puwede nating magawa sa mga bahay natin.

“Naghahanap tayo ng pahinga, ibinigay ng Diyos sa atin ang pahinga. “Namnamin natin ito pero sa kabila ng pagnanamnam na ito, tumulong po tayo, tumulong tayo sa mga mas higit pang nangangailangan, sa kung paano mang paraan.

“Mas malalagpasan natin ito ng may mga ngiti sa mga mukha natin dahil ganun tayo, ganun tayong mga Pilipino, tinatawanan natin ang mga bagay-bagay.

“Itong virus na ‘to, kung puwede siyang gawing isang “kontrabida,” siguro sikat na sikat na siya ngayon!

“Pero walang makakatalo sa Diyos!

“Siya lang ang puwede nating pagkatiwalaan sa pagkakataong ito.

“At para sa akin, sa anuman na abot ng makakaya ko, ibibigay ko po.

“Sana po, sama-sama tayong magtulung-tulong para sa mga Kapamilya nating nangangailangan. Pare-pareho tayo ng pinagdadaanan, pare-pareho tayong naka-community quarantine pero hindi lahat pare-pareho ng estado.

“Intindihin po natin iyon, huwag tayong mag-panic-buying.

“Huwag na nating tanungin o kuwestiyunin pa man kung ano ang ginagawa ng gobyerno.

“Magtiwala tayo bilang mamamayang Pilipino kasi iyon na lang naman talaga ang kaya nating magawa sa pagkakataong ito.

“Manatili tayo sa mga bahay natin dahil ang mga frontliners natin binubuwis ang buhay nila para sa atin.  Magpasalamat po tayo sa kanila ng buong-puso at buong buhay dahil ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para sa atin.

“At let’s all stay positive… huwag sa corona… pero positibo sa buhay!

“Ngumiti tayo, tumawa tayo, enjoy-in natin ang simpleng mga bagay sa buhay kasi iyon naman talaga ang dapat.

“Iyon lang po ang gusto kong sabihin so magtulung-tulong po tayo.

“Don’t worry, ang mga Kapamilya palagi po kaming nandirito para po sa inyong lahat. Tandaan po ninyo yan.

“God bless you all and please share love and positive outlook to everyone.

“God bless you all!”              

Ang iba pang nag-alay ng inspiring messages, panalangin, panawagan at suporta ay sina Bea Alonzo, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Maricel Soriano, Jodi Sta. Maria, Enchong Dee, Anthony Taberna, Yassi Pressman, Kim Atienza, Anne Curtis, Bernadette Sembrano, Beauty Gonzales, Dimples Romana, Lorna Tolentino, Angel Aquino, Robi Domingo, Julia Barretto, Donny Pangilinan, Julia Montes, Noli de Castro, Karen Davila, Julius Babao, Chiara Zambrano, Jorge Carino, Korina Sanchez-Roxas, Gerald Anderson, John Prats, Isabel Oli, Kim Chiu, Agot Isidro, Cherry Pie Picache, Nadine Lustre, Luis Manzano, Ruffa Gutierrez, Eula Valdez, Sylvia Sanchez, Ria Atayde, Maja Salvador, Piolo Pascual, Pia Wurtzbach, John Arcilla, Rowell Santiago, Ted Failon, Angelica Panganiban, Maymay Entrata, Edward Barber, Edu Manzano, Boy Abunda, Ms. Charo Santos-Concio, Angel Locsin, at Coco Martin.     

Sa pagtatapos ng telecast ay ini-announce ng mga hosts na sina Alvin Elchico at Zen Hernandez na nakalikom ang naturang digital interactive fund-raising event ng halagang Php236,997,391. na pledge at donasyon.

Leave a comment