
No Cinema One Originals this year
Dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine, napagdesisyunan ng pamunuan ng Cinema One Originals na ipagpaliban muna ang film festival ngayong taon.
Ito ay para mabigyan na rin may mas mahabang oras ang mga direktor na makabuo ng mga bago at nakakapukaw na kwentong pangpelikula kung saan extended hanggang Hunyo 1 (Lunes) ang deadline ng pagsumite ng script entries para sa susunod na film fest.
“Pagkatapos ng maingat na pagsusuri, napagdesisyunan naming i-postpone ang C1 Originals ngayong taon dahil na rin sa matinding pagsubok na dala ng COVID-19 pandemic,” ayon sa festival director na si Ronald Arguelles.
“Mahalaga sa amin ang kaligtasan at kalusugan ng filmmakers, mga artista at production teams.”
Kadalasang ginaganap sa huling bahagi ng taon, ipagdiriwang ang susunod na C1 Originals sa 2021.
Samantala, ang entries para rito—kumpletong iskrip na may kasamang sequence treatment—ay pwedeng orihinal o hango sa isang salaysay at dapat directorial debut o di kaya’y pangalawa lamang sa full-length feature film ng isang filmmaker. Gagawaran ng P3 million production budget ang bawat mapipiling finalist.
Isa sa mga division ng ABS-CBN Films, ang C1 Originals ay nagsimulang magprodyus ng matatapang at makabuluhang pelikula para sa mga manonood noong 2005.
Simula noon, nabibigyan nito ng pagkakataon ang Pinoy filmmakers na maisakatuparan ang kanilang pinangarap na kwento.
Noong 2019, nagwagi ang LGBT drama feature film na “Sila-Sila” ni Giancarlo Abrahan bilang Best Picture mula sa mahigit 130 entries na sumali sa nasabing film festival.
Bukod sa pagpapalabas sa mga piling sinehan, napapanood din ang mga natatanging pelikula ng C1 Originals sa Cinema One sa cable, na siyang nagpapalabas ng Cinema One Originals/ Exclusives block tuwing Linggo, 11 pm at tuwing Miyerkules, 11 pm.
Bisitahin ang cablechannels.abs-cbn.com upang makita ang full mechanics at magsumite ng entry.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang @c1originals sa Facebook at Instagram at @c1origs sa Twitter.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.