May 24, 2025
Bulacan Gov Daniel Fernando gets emotional about Subic Bay Freeport controversy
Latest Articles

Bulacan Gov Daniel Fernando gets emotional about Subic Bay Freeport controversy

May 25, 2020

Matapos maglabas ng opisyal na pahayag kaugnay sa sinasabing paglabag ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa ECQ protocol, ay muli s’yang nanindigan na wala s’yang nilabag na protocol.

Ayon din kay Gov. Daniel, hindi na raw bago sa kanya ang mga panlalait at pamumuna ng ibang tao sa kanya.

Sinagot din ng butihing public servant ang pagtawag sa kanya na s’ya ay isa lang na bold star.

Narito ang kanyang buong pahayag:

Ang PAMUMUNO sa PANAHON  ng PANDEMYA ay SERBISYO at Hindi PAMUMULITIKO.

Marami na po ang nasabi, pinag-usapan, at naihusga sa naganap na insidente sa Subic Bay Freeport kaugnay ng aking pagtawid sa lalawigan ng Bataan noong Mayo 8, 2020 upang maghatid ng tulong sa isang kamag-anak na may malubhang karamdaman at ilang kalalawigang Bulakenyo na stranded sa bayan ng Morong at nangailangan ng dagliang tulong. Iyon lamang ang aking pakay sa pagpunta doon at wala na pong iba.  

Ako ay nagbigay na ng opisyal na pahayag patungkol dito sa The Manila Times kung saan lumabas ang artikulo, sa diwa ng katotohanan at pagiging patas. 

Tatlong bagay na lamang po ang nais kong sabihin bilang pagwawakas sa usaping ito. Higit kanino man, ang mensaheng ito ay sa para aking mga kalalawigang Bulakenyo:

*UNA, pinaninindigan ko, na ayon sa aking pinagbatayang batas, ang Omnibus Guidelines ng Community Quarantine ng IATF,  bilang isang APOR (Authorized Person Outside of Residence/Awtorisadong Tao sa Labas ng Paninirahan), na pinahihintulutan  ang isang opisyal ng pamahalaan na maglakbay sa loob at labas ng anumang pook, sa ilalim ng anumang porma ng community quarantine, sa layuning tumupad sa tungkulin at maghatid ng mahalagang serbisyo para sa ating mga kababayan. 

*IKALAWA, sa kabila ng naganap na hindi pagkakaunawaan, alam ko na nagbigay ako ng nararapat na respeto, at naghintay ng humigit kumulang dalawang oras sa labas ng SBMA gate para sa pahintulot na makadaan lamang doon. Gayunpaman, agad kong nilisan ang pook na iyon matapos hindi pahintulutang makapasok sa kabila ng aking paliwanag patungkol sa Section 7, dating Section 4 ng IATF Omnibus Guidelines on Community Quarantine.  At  upang maiwasan ang lalong mahabang usapin,  hindi ko na itinuloy ang aking pagdaan sa SBMA at noon din ay bumalik na sa aking mga pagpupulong sa Bulacan. 

*IKATLO, hindi na bago sa akin ang masaktan sa mga pang-iinsulto at pagtawad sa aking pagkatao gaya ng lumabas sa pahayagan kaugnay ng insidenteng ito — sino raw po ba ako na isang dating bold actor lang — na kailanman ay hindi ko ikinahiya sapagkat ito ang nagbukas sa akin ng maraming magagandang pagkakataon sa buhay. Kapuna-puna  lamang na hindi nila binabanggit na ako ay isa rin namang premyadong actor na naidirihe ng mga pinagpipitaganang direkor ng pelikulang Pilipino tulad nina Peque Gallaga at Lino Brocka. Kung sambitin po nila ang aking pinagmulan ay para bang isang malaking kahihiyan at kasalanan ang maging artista. Kaugnay nito, nais kong ipaalam sa lahat na totoong naging emosyonal ako sa pangyayaring iyon sa Subic Bay Freeport, subalit NI MINSAN MAN AY HINDI SUMAGI SA AKING ISIPAN na ako ay “espesyal dahil lamang sa ako ay isang Gobernador.” Batid ng aking mga kalalawigan kung ano ang tunay na pagkatao at puso ni Daniel Ramirez Fernando. 

Sa wakas, ay binibigyan ko po ng PAHALAGA ang pinakahuling pahayag ni SBMA CEO & Administrator Wilma T. Eisma, kung saan siya ay nagpahatid na ng mensahe ng pagkakaunawaan. Nagkausap na po kami ng personal at pinili namin ang pagkakaunawaan. Kapwa kami nasaktan at marahil ay naging biktima ng mga pangyayari, subalit sa dulo ng lahat, kami ay dalawang taong tumutupad lamang sa aming kani-kaniyang tungkulin. Tulad niya, iniaabot ko rin ang aking kamay sa DIWA ng PAGKAKASUNDO. Bagama’t nagkaroon ng hidwaan ng mga sandaling iyon, ang aking TANGING IPINAGLABAN ay ang ISINASAAD NG BATAS na bilang isang lokal na punong ehekutibo, pinahihintulutan ako na maglakbay sa loob at labas ng mga pook upang tumugon sa mga nasasakupang nangangailangan ng tulong kaugnay ng pandemya. 

Sapat na  ang paghihirap ng ating mga kababayan kaugnay ng pandemyang Covid-19. Hindi na natin dapat idagdag ang ganitong mga isyu  sa maraming suliranin at pagsubok ng ating panahon.  Ang pagtuunan na lamang natin ay ang paghihilom ng mga sugat ng bayan na sanhi ng pandemya at mga paghihirap na dulot nito.

Maraming Salamat Po.

Buong Sipag at Tapat na Naglilingkod sa Inyo,

GOBERNADOR DANIEL R. FERNANDO

Leave a comment