
Lawyer-producer Ferdie Topacio hires Claudine Barretto for new project
Dire-diretso na ang shooting ng pelikulang Escape from Mamasapano, na initial project ng Borracho Films ni Atty. Ferdinand Topacio.
Ayon sa abogadong madalas masala sa kontrobersiya, naantala lamang sila dahil sa lockdown na nangyari noong Mach 16.
Ngunit tuloy naman ang pre-production nila sa naturang proyekto sa pamamagitan ng video conferencing at emails.
Katunayan, nasa third revision na ang script ng premyadong manunulat na si Eric Ramos, na palagi namang nakikipag-ugnayan kay direk Lawrence Fajardo.
Ang isang bagong development sa Mamasapano movie ay ang special participation ng nagbabalik-pelikulang Optimum Star na si Claudine Barretto na gaganap sa isang maikli ngunit makahulugang role bilang si Erica Pabalinas, ang biyuda ng napaslang na si Sr. Insp. Ryan Pabalinas, and pinuno ng grupong SAF na nasawi sa Mamasapano.
Bukod pa ito sa cameo role ng former sexy star at ngayon ay politician na si Barbara Milano, na malapit din sa celebrity attorney.
Nais din daw sanang makausap ni Atty. Topacio sina Bea Binene at kontrobersiyal na modelong si Deniece Cornejo, para sa posibleng mga supporting roles sa pelikulang ito.
Ipinahayag pa ni Atty. Topacio na panay din ang pakikipag-usap niya by telephone sa mga gaganap sa pelikula tulad nina Edu Manzano at Ritz Azul.
Pinadadalhan niya rin ng pagkain sa bahay si Myrtle Sarrosa upang manatili itong malusog para sa principal photography na magkakaroon na ng schedule dahil nga under GCQ na lang ang Metro Manila.
“Nakuha na namin ang guidelines ng FDCP para sa mga physical distancing and other requirements ng movie production at we will strictly adhere to them to ensure na walang talent o crew na magkakasakit.
“Magkakaroon din tayo ng doctor na consultant to undertake health and safety measures during the shooting,” sabi pa ni Atty. Topacio.