May 24, 2025
Miggs Cuaderno excited about his 1st MMFF, and sad: Baka po kasi hindi na magiging kagaya rati
Latest Articles

Miggs Cuaderno excited about his 1st MMFF, and sad: Baka po kasi hindi na magiging kagaya rati

Sep 18, 2020

Patuloy ang magandang takbo ng showbiz career ng teen actor na si Miggs Cuaderno.

Recently ay isa si Miggs sa itinampok sa BL series na Unlocked Anthology ni Direk Adolf Alix Jr., sa episode na Neo & Omar na pinagsamahan nila ng anak ni Wendell Ramos na si Saviour Ramos.

Nalaman din namin sa Kapuso teen actor na malapit nang mag-resume ang taping nila sa TV series na Prima Donnas sa GMA-7.

Saad ni Miggs, “Opo, malapit nang magbalik-taping ang Prima Donnas at excited na po akong makasama ang mga kaibigan ko po, na mga teen co-actors ko po rito.

“Kasi po kahit nagcha-chat kami, iba pa rin po na personal mong kasama ang mga kaibigan mo.”

Nabanggit din ni Miggs na sobra ang kanyang kasiyahan nang ianunsiyong nakapasok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pelikulang pinagbibidahan niya titled Magikland na mula sa Brightlight Leisure Productions, Inc./Gallaga Reyes Films.

Paikli ni Miggs, “Sobrang saya ko po na nakapasok ang movie namin sa MMFF.”

Pagpapatuloy pa niya, “Pero may halong lungkot din, kasi po may Covid19. Baka po kasi hindi na magiging kagaya rati na sobrang saya kapag MMFF, may mga float, may parade at ang daming tao na nanonood ng mga entry dito.”

Dagdag pa ng award-winning child actor, “Bale, first lead role ko po ito for mainstream, kasi po sa indie films nakagawa na po ako ng sixteen films.”

Si Miggs ay isang award-winning child actor na na-discover ng kanyang manager na si Direk Maryo J. delos Reyes sa PETA play na Ang Post Office ni direk Gardy Labad, nang siya ay five years old pa lang.

Si Miggs ay nakahakot na ng 14 awards, kabilang dito ang Best Actor sa Cheries Cheris International Film Festival sa Paris, France para sa pelikulang Quick Change, Best Supporting Actor sa Cinemalaya 2014 para sa pelikulang Childrens Show at Best Child Performer sa 63rd FAMAS awards para sa movie ni Direk Louie Ignacio titled Asintado.

Inusisa rin namin si Miggs kung sinong aktor ang iniidolo niya at kaninong artista siya kakabahan kapag naka-eksena niya?

Esplika niya, “Ang idol ko pong foreign actor ay si Johnny Depp, kasi po kahit anong role kaya niyang gampanan. Ang husay po niya lagi sa kahit anong role na ibigay sa kanya.

“Dito po sa atin sina John Lloyd Cruz at Dennis Trillo, kasi po ipinapakita po nila ang husay nila sa lahat ng projects na ginagawa nila at buong-buo po ang pag-arte nila kahit ano’ng role ang gampanan nila.

“Gusto ko pong maging kagaya nila, maging mahusay at versatile actor balang araw. Na kahit anong role ang ipagawa sa akin ay mabibigyan ko po ng justice at buong husay ko pong gagawin iyon.”

Sagot pa ni Miggs sa sumunod naming tanong, “Siguro po lahat ng veteran actors nakakakaba sa unang eksena, kasi po ayaw kong magkamali. Hangga’t maari ang gusto ko po ay isang take lang, para po hindi ko masayang ang oras nila at ang pagod nila.

“Gusto ko po sa mga nakaka-eksena ko, mag-iiwan po ako ng experience sa kanila na maganda at hindi po nila ako makakalimutan.”

Leave a comment