
Director Eduardo Roy, Jr. explores other genre via new Net25 series
Kung ilalarawan ang mga pelikulang ginawa ni direk Eduardo Roy, Jr., ang common denominator ng mga ito ay ang pagkakaroon ng shock factor.
Pwede rin itong ilarawan na sumasalamin sa takbo ng lipunan – madilim, mapanganib, tagos sa puso, walang awa.
Sa bawat pelikula ni Direk Edong, pinag-iisip niya ang viewers.
Kabilang sa mga movie na kanyang ginawa ay ang Quick Change, Pamilya Ordinaryo, Last Fool Show, Lola Igna at Fuccbois.
Kaya naman pag nalaman mo na ang award-winning Cinemalaya director din ang nasa likod ng Ang Daigdig Ko’y Ikaw, na isang melodrama, mapapaisip ka tuloy na baka naliligaw siya.
He is stepping an alien territory. Ibang milieu kasi ang melodrama.
“Ang gusto ko kasi kapag tumatanggap ako ng project ay ‘yung gagawa ako ng isang material na hindi ko pa nagawa,” bungad niyang sagot.
“Hindi ka lang dapat basta sugod nang sugod. As a filmmaker, you must choose your battles in the cinematic universe.”
Sinabi pa ni Direk Edong na ang isang pelikula o TV drama ay depende sa director kung ano ang magiging takbo ng kwento.
Maraming nagsasabi na wala raw talagang orihinal na kwento. Pero ang nagbibigay ng kakaibang viewing experience ay kung paano inilatag ng director ang kwento depende sa kanyang perspective.
“Ang kwentong binuo ang director ang vision niya sa mga issue tulad ng kahirapaan, old age, daring and promiscuity, at pag-ibig. Ang maganda sa paggawa ng pelikula o TV drama ay ‘yung idea na parang tumatalon ka sa cliff at hindi mo alam kung may sasalo sa iyo. Pag maraming risks, mas malaki ang nadarama kong challenge as a director. Mas inspired ako sa trabaho ko.”

Ang Daigdig Ko’y Ikaw ang unang romantic series produced by Eagle Broadcasting Corporation. Gustung-gusto niya ang location nila sa Las Casas Filipinas de Acuzar na inilarawan ni Direk Edong na sampung beses na mas maganda kumpara sa Vigan.
Napakaimportante raw ng lugar sa kwento ng pag-ibig nina Reina at Roman.
Nang pumasok siya sa project ay pasok na bilang bida si Geoff Eigenmann.
Naghahanap na lang sila ng leading lady.
Good choice daw si Ynna Asistio na naidirek na rin n’ya sa TV drama na Ipaglaban Mo.
“Natutuwa ako na nabigyan ng break si Ynna kasi she is a good actress. When you first see her, akala mo wala lang. But there is something about her that grows on you,” sabi ni Direk Edong.
Hindi naman dapat pagdudahan ang husay ni Geoff bilang actor dahil mga mahuhusay na artista at director ang mga magulang niya na sina Gina Alajar at Michael de Mesa.
“Dahil maraming TV drama experience si Geoff kaya alam niya ang proper blocking, marking. Alam hanapin ang kayang ilaw. And there was a scene na may actor’s cue kami supposedly pero wala on cue pero umiiyak na siya.”
Kitang-kita rin ang chemistry nina Ynna at Geoff. May kilig ang kanilang mga eksena.
“Nararamdaman ko ang kilig sa kanilang dalawa. Alam mong they were portraying Reina and Roman for real. They were emotionally invested sa characters kaya captured ng camera yung kilig at chemistry.”
Ang iba pang cast members ay sina Elizabeth Oropesa, Tanya Gomez, Richard Quan, Adrian AJ Muhlach, Anna Mabasa-Muhlach, Arielle Roces, Jiro Custodio, Shiela Marie Rodriguez, Paulyn Ann Poon, Manolo Silayan, Myrna Tinio, and Jellex David.
Dapat daw abangan at panoorin ng audience ang “Ang Daigdig Ko’y Ikaw,” hindi lang sa mahusay nitong cast at magandang lokasyon kundi pati sa maayos na paglalahad ng kwento. Tapos na nila ang buong season at tinitiyak ni Direk Edong na mahusay ang kanilang pagkakagawa dahil parang pelikula ang mounting nila ng mga eksena.
Ang Daigdig Ko’y Ikaw premieres November 28, Saturday, 8pm on Net25.