
Claudine gives updates on movie with Piolo, case vs Raymart
Ayon sa Optimum Star na si Claudine Barretto, tuloy ang demanda niya sa estranged husband na si Raymart Santiago sa kaso ng hindi pagtupad nito sa pagbibigay ng sustento sa kanilang mga anak.
“I think, hindi na talaga siya talaga maaayos, pero iyong fiscal triny na maayos but walang nangyari so malamang didiretso na kami sa korte,” ani Claudine.
Kuwento pa niya, ilang beses daw silang nagharap ni Raymart pero ayaw nitong ibigay ang kanyang hinihingi para sa kanilang mga anak.
Nilinaw naman niya ang isyung naputulan sila ng kuryente sa bahay na na-scoop noon sa isang news.
Aniya, hindi raw sila nawalan ng kuryente hindi dahil wala silang pambayad.
“Ang nangyari kasi, binaha kami noong kasagsagan ng bagyo. Nabasa iyong main switch, so we have no choice kundi i-shutdown. Actually, sa hotel pa nga kami nag-stay ng mga anak ko.
“Tapos that time, dumaan ata si Atty. Topacio sa bahay, akala niya naputulan kami ng kuryente kaya nabalitang naputulan kami. Noong nagkausap naman kami ni Atty. clinarify ko, so humingi naman siya ng sorry,” kuwento niya.
Speaking of her kids, happy at feeling fulfilled siya dahil mga honor students sina Sabina at Santino.
Enjoy din siya sa kanyang role bilang single parent kina Quia at Noah.
Happy naman si Claudine dahil pagkatapos ng anim na taon ay balik-pelikula siya sa isang drama na ididirehe ni Direk Joel Lamangan mula sa Borracho Productions ni Atty. Ferdinand Topacio.
“Nagkasama na kami noon sa isang series sa GMA. Matagal ko nang gustong makatrabaho si Direk Joel. Feeling ko, hindi kumpleto ang career ko kapag hindi niya ako naididirek,” sey ni Claudine.
Bago ang kanyang comeback movie, may cameo role si Claudine sa Mamasapano Massacre kung saan may importante siyang papel.
Pagbabahagi pa niya, tuloy din ang proyektong muling pagsasamahan nila ni Piolo Pascual bagamat hindi pa niya masabi kung kailan ito sisimulan.

Kabituin ni Claudine sa kanyang comeback movie ang Ms. Saigon singer-actor na si Gerald Santos at Viva contract artist na si Kara Madrid.