
‘MPK’ tonight features Katrina, Bruce
Bibigyang-buhay ng kapwa Kapuso stars na sina Katrina Halili at Bruce Roeland ang kuwento ng bawal na pag-iibigan sa isang episode ng real-life drama anthology #MPK o Magpakailanman.
Gaganap kasi si Bruce bilang 15-taong gulang na si Bong, habang si Katrina naman ay ang stepmother niyang si Mikaela.
Magkakaroon ng ipinagbabawal na relasyon ang dalawa.
Itatago naman nila ito sa ama ni Bong at kinakasama ni Mikaela na si Ambet, na gagampanan naman ng beteranong aktor na si Alan Paule.
Bukod sa kanila, bahagi rin ng episode sina Dion Ignacio, Kelvin Miranda, Marc Justine Alvarez, Gigi Locsin, Ana Castro at Jun Palatao.
Salat sa pagmamahal ng isang ina si Bong dahil noong mga bata pa lang sila, iniwan na sila ng kanilang ina.
Laking tuwa ni Bong at ng kanyang mga kapatid nang ipakilala sa kanila ni Ambet ang bago nitong kinakasamang si Mikaela.
Magiging close naman si Bong kay Mikaela, pero sa ‘di inaasahang pagkakataon, mauuwi ito sa magandang pagtitinginan nilang dalawa.
Itatago man nila ito kay Ambet, kalaunan ay masisiwalat din ang kanilang sikreto.
Ito ba ang magiging dahilan ng pagkakabuwag ng kanilang pamilya?
Huwag palampasin ang episode na pinamagatang “Mahal Ko ang Asawa ng Ama Ko” ngayong Sabado, January 30, 8:00 pm sa Magpakailanman (#MPK) sa GMA.