
Andre Yllana signs with Viva, part of new TV5 series
Handa nang mag-focus sa kanyang showbiz career ang guwapitong anak nina Aiko Melendez at Jomari Yllana na si Andre Yllana.
Recently ay naging ganap na Viva Artists Agency talent si Andre nang pumirma ng management contract dito.
Bago ito, naging on and off sa kanyang acting career si Andre dahil mas kinuha ng oras niya ang kanyang pag-aaral.
Magtatapos na ng two-year course na Automotive Mechanic sa Don Bosco Technical Institute ang binata, dahil malapit sa puso niya ang mga kotse at isa rin siyang car racer.
Saad ni Andre, “Tinapos ko muna iyong mga ano ko sa school works, dahil ang hirap kasi talagang pagsabayin.”
Idinagdag pa ng aktor na mas gusto niya kasing tuluy-tuloy na ang pagsabak niya sa showbiz, lalo’t OJT na lang ang kulang niya.
Bahagi ng panayam kay Andre na napanood namin kay katotong Rey Pumaloy sa online show niyang Abantelliling ang pahayag ng binata kung ano ang kanyang plano after graduation.
“Ang gusto ko po talaga ay makapagpatayo ng sariling talyer, kaya po for the meantime ay ipon-ipon po muna, kaya mag-work muna tayo nang maigi at mag-ipon.”
Kailan siya nag-decide na magseryoso ulit sa pag-aartista?
“Actually po, ang naging basehan ko po talaga is… tutal ay OJT na naman po, hawak ko na po ang oras ko, kaya ang naisip ko po ay puwede po kapag nabigyan ng opportunity. Sakto po, kasi, hindi naman lahat nabibigyan ng opportunity during pandemic, kaya ginrab ko agad iyong opportunity.”
Sinagot din ni Andre kung bakit sa Viva siya pumirma at hindi kay Arnold Vegafria na manager ng kanyang mommy?
Nakatawang saad niya, “Ayaw ko po kasing kasama si Mommy, hahaha! Ayaw ko pong nandiyan ni mommy sa paligid, naiilang po ako, napaka-stage mom po kasi ni mommy, hahahaha!”

Patuloy pa niya, “Bukod po roon, maganda kasi iyong ibinigay sa akin ng Viva, kaya po tinake ko na iyong opportunity.”
Ipinaliwanag ni Andre kung gaano ka-protective si Ms. Aiko bilang ina.
“Ay Diyos ko po! Napaka-protective po niyang si Mommy, kahit yata lamok ay hindi makalapit! Hahahaha!”
Seryosong wika naman ni Andre, “Pero totoo po, sobrang protective po talaga si Mommy, pero in a good way naman po.
“Kumabaga, kapag nakita po ninyo, talagang mararamdaman nyo po yung kanyang concern bilang mother, pati yung love niya po,” nakangiting saad pa niya.
Sa panig ni Ms. Aiko, inusisa namin siya thru FB private messenger kung ano ang payo niya para sa anak.
“Ang payo ko sa kanya, always be humble po and be professional,” matipid na tugon ng award-winning actress.
Dagdag pa ni Ms. Aiko na masaya ang kanyang anak sa dumating na blessings dito.
“Masaya naman po siya kasi sa panahon ng pandemic, may dumating na blessings po sa kanya.
“May series na po siya sa TV5, mag-start na ang taping ng February 28 po,” nakangiting pakli pa ng Kapuso actress.