
Funny vlogger thankful to Saranggola Media Productions
Patuloy ang magandang takbo ng showbiz career ng kilalang social media personality na si Bernie Batin.
Matapos ang movie debut niya last month via Ayuda Babes na pinamahalaan ni Direk Joven Tan, may kasunod na agad siyang project.
Ito ang pelikulang Yorme na isang musical biopic ni Manila Mayor Isko Moreno. Mula sa pamamahala pa rin ni Direk Joven, tatampukan ito nina Xian Lim at McCoy de Leon, bilang batang Isko.
Inusisa namin thru FB si Bernie ukol sa pelikula.
Aniya, “Hinihintay ko pa po si Direk Joven kung kailan po ako magsu-shoot para po sa Yorme.”
Ayon pa kay Bernie, hindi pa niya alam kung ano ang magiging role niya sa naturang pelikula na mula sa Saranggola Media Productions. Ito rin ang movie company na nagprodyus ng Ayuda Babes.
Si Bernie ay 35 years old, tubong Pangasinan at last January 2020 lang siya nagsimulang mag-vlog. Kilala siya ngayon bilang Pinakamasungit na Tindera sa social media dahil sa kanyang mga antics sa Tindahan serye vlog niya.
Nalaman din namin na si Bernie pala ay under contract sa Saranggola Media Productions.
“Yes po sir, under contract po ako sa Saranggola Media Productions,” lahad niya.
Ano ang reaction niya na under contract na siya sa isang movie company?
“Masaya po ako sir, kasi pinagkatiwalaan po nila ako para maging exclusive artist po nila,” pahayag ni Bernie.
Esplika pa niya, “Five years contract po ang ibinigay nila sa akin at masaya po ako dahil kahit pandemic po ay may mga projects pa rin po ako.”
Pahabol pa ni Bernie, “Sobrang thankful po talaga ako kina Direk Joven at Ma’am Edith (Fider) na mga managers ko po, dahil sila po ang naging tulay kaya ko po nakamit ang isa sa aking mga pangarap sa buhay, ang makapasok sa showbiz at maging artista.”