
Paolo Gumabao on men using their body to survive: No judgment
Ipinahayag ng bida sa pelikulang Lockdown na si Paolo Gumabao na hindi siya nagdalawang isip na tanggapin ang pelikula, kahit alam niyang mapangahas ang role niya rito at kailangan ang frontal nudity para sa ikagaganda nito.
Esplika ni Paolo, “Noong audition pa lang po kasi ay sinabi na sa akin ni Direk Joel (Lamangan) na may frontal nudity. Sabi ko naman, ‘Sige po.’ Pero binasa ko muna ang script and nang nabasa ko, na-amaze ako sa kuwento.
“Iyong frontal nudity ay hindi siya bastos tignan, kasi ay art film talaga siya and may tiwala kasi po ako talaga kay Direk Joel Lamangan.”
Diin pa ng hunk actor, “Opo, kailagan talaga sa movie iyong frontal nudity to show the reality of this pandemic, na maraming tao talaga ang kumakapit sa patalim sa pandemyang ito. At iyon ang kailangan naming ipakita sa viewers ng movie.”
Ipinaliwanag naman ng producer nilang si Jojo Barron na ang kanilang pelikula ay sumasalamin sa struggle ng isang pinauwing OFW at ang kanyang pamilya sa panahon ng pandemya.
Lahad ni Mr. Jojo, “Naka-angkla ang Lockdown sa napapanahong istorya, mahusay na script, at masining na direksiyon. Ang pagpapakita rito ng maselang bahagi ng katawan ay maituturing na ‘bonus’ na lamang.”
Ano ang realization niya, matapos gawin ang Lockdown?
Pahayag ni Paolo, “Kasi, iyong script po kasi, sa pagkaka-alam ko ay inspired siya by true events.
“So para sa akin, na-realize ko na ang hirap nang mga nangyari sa atin noong pandemya. Kasi, siyempre ay iba-iba tayo ng sitwasyon and it’s sad to know na may mga taong kailangan nilang gawin iyon, para makaraos.”
May pressure ba na kumita ang pelikula, since siya ang bida rito?
“It was more on nape-pressure ako kung ano ang kalalabasan ng pelikula. Lalo na sa mga ganitong klaseng indie films, hindi naman po natin habol ang kumita ang pelikula. Ang habol natin ay manalo ng awards, kumbaga, at maipasa siya sa mga international film festival, doon po ako na-pressure.
“Pero roon sa kita po, para sa akin po, as a lead actor, ang mas importante po sa akin na may makuha tayong nominations at awards.”
Ipinahayag din ni Paolo na ayaw niyang husgahan ang mga taong nagvi-video call at kumakapit sa patalim ngayong pandemya.
Wika ng aktor, “Para sa akin, no judgement. Kasi siyempre hindi po natin alam kung ano ang pinagdadaanan nila. Posibleng it’s a life and death ang situation nila, na kailangan talaga nilang kumita para mabuhay sila, mabayaran ang renta nila, makabili sila ng pagkain.
“So, para sa akin, as long as wala naman silang sinasaktan na tao, okay lang kung iyon ang diskrate nila. Kasi hindi natin alam ang buong kuwento.
“So kung iyong ibang tao ay manghuhusga, pero hindi natin alam talaga kung ano ang nangyayari sa kanya… we dont have the right to judge them,” paikli pa niya.
Ang Lockdown ay mula FLA Films at ito’y ukol sa cyber-sex or videokol. Tampok din dito sina Max Eigenmann, Sean de Guzman, Allan Paule, Ruby Ruiz, Jess Evardone, Jim Pebanco, Angeline Sanoy, at iba pa.