
How ‘Magandang Buhay’ hosts copy each other in new Star Cinema film
Sa kauna-unahang pagkakataon ay magsasama sa pelikula via ‘Momshies Ang Soul Mo’y Akin’ mula sa Star Cinema at sa direksyon ni Easy Ferrer, ang hosts ng Magandang Buhay at magkakaibigan na sina Karla Estrada, Melai Cantiveros at Jolina Magdangal.
Iikot ang kuwento ng pelikula sa pagkakapalitan ng kaluluwa nina Karla, Melai at Jolina.
Sa kanilang virtual press conference, inamin ni Karla na hindi naging madali ang paggaya niya kay Melai.
Malikot daw kasi ang komedyana at maraming expression na ginagawa sa kaniyang mukha.
“Sobrang gusto ko na magpatiwakal nung ginaya ko si Momshie Mels. Ang likot niya, para siyang kiti-kiti. Ang dami niyang nuances, ang dami niyang expressions na siya lang makakagawa,” natatawang sabi ni Karla.
Biro pa ng mommy ni Daniel Padilla, “Nahirapan ako talaga. I think ito na ang ikakabagsak ng career ko run sa mga eksena ko, na for 30 years kong iningat-ingatan.”
Dagdag pa nito, hindi niya umano inakalang gagayin din niya si Melai sa palabas dahil nasa dulo umano ito ng script.
Ngunit sa seryosong tono, pinuri ni Karla si Melai na wala umano talagang kayang humalintulad dito, dahil nag-iisa lamang ito.
“Kaya nga nag-iisa lang yang Melai na yan. Sobrang hirap. Hindi mo talaga siya magagaya.”
Sumang-ayon naman si Jolina sa sinabi ni Karla, na talagang nahirapan silang gayahin si Melai. Kaya naman ang naging diskarte nito, ay ipinagawa muna niya kay Melai ang mga eksena bago niya gayahin.
“Mahirap talaga yung kay Momshie Mels. Every time na patapos na yung araw ang sakit ng leeg ko, kasi malikot talaga siyang tao,” sabi ni Jolina.
Natatawa namang sinabi ni Melai na siya ang totoong nahirapan dahil hirap umano siyang gayahin ang kagandahan nina Karla at Jolina.
“Kung hirap sila sa akin, mas hirap ako sa kanila. Mahirap maging maganda. Hindi ko talaga kaya maging maganda. Naka ilang ulit si Direk Easy, Melai maging Karla Estrada. ‘Direk di ko kaya. Sobrang hirap gumanda talaga,” ani Melai.
Mapapanood ang pelikula ng mga Momshies sa May 28 sa mga digital streaming platforms tulad ng KTX.ph, iWant TFC, TFC IPTV, Sky Cable PPV and Cignal PPV.