
Gay films available this pride month at FDCP
Sa pagdiriwang ng Pride Month ngayong Hunyo, ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamumuno ng hepe nitong si Liza Diño-Seguerra ay magtatanghal ng 2nd PelikuLAYA: LGBTQIA+ Film Festival online edition na idaraos mula Hunyo 4 hanggang 30, 2021.
May temang ‘Sama-Sama, Lahat Rarampa!,’ ang PelikuLAYA ngayong taon ay layunin bigyan ng pagpupugay ang mga miyembro ng LGBTQIA+ at kilalanin ang kanilang naging ambag sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga local at international films.
Magkakaroon din ng film talks at lectures, a drag yoga event, at tampok na musical performances na magdadagdag ng ningning sa naturang event.
Simula sa Hunyo 4, may kabuuang 23 subscription films ang mapapanood sa FDCP Channel (fdcpchannel.ph),sa halagang P99.
Kasama na rtio ang pitong critically-acclaimed PelikuLAYA films tulad ng “Masahista” ni Brillante Mendoza, “I Love You. Thank You” ni Charliebebs Gohetia, “Mga Gabing Kasing Haba ng Hair Ko” ni Gerardo Calagui, “Miss Bulalacao” ni Ara Chawdhury, “Ang Huling Cha-Cha Ni Anita” ni Sigrid Andrea P. Bernardo, “Best. Partee. Ever.” ni HF Yambao, at “Ned’s Project” ni Lem Lorca.
Mula Hunyo 4, mapapanood din sa halagang PHP220 ang award-winning French film “Portrait of a Lady on Fire” by Céline Sciamma na pinagbibidahan nina Adèle Haenel at Noémie Merlant, na unang magkakaroon ng Philippine online premiere sa PelikuLAYA 2021.
Ang nasabing pelikula ay itinanghal din bilang 2019 Cannes Awardee for the Queer Palm Prize at Best Screenplay sa nabanggit na prestihiyosong international filmfest.
Libre namang mapapanood ang apat pang pelikula sa buong festival run.
Ito ay ang dokumentaryong “Budhang”ni Rhadem Morados, at tatlong shorts mula sa CineSpectra 2019: A Film Festival for HIV/AIDS Awareness —ang “A” ni Rod Modina, “Alex & Aki” ni Dexter Paul de Jesus, at “Doon sa Isang Sulok” ni Yong Tapang, Jr.
May one-time screening din ng gay-themed movie na “Lihis” ni Joel Lamangan.
Ang pelikulang “T-Bird at Ako” ni Danny Zialcita na nagtatampok kina Nora Aunor at Vilma Santos ang closing film ng festival.
Ang 1st PelikuLaya ay idinaos noong 2018 sa Cine Lokal ng Film Development Council of the Philippines sa piling SM cinemas.
Para sa karagdang impormasyon, bisitahin ang kanilang Facebook page sa www. facebook.com/fdcp.channel o fdcpchannel.ph.
Ang PelikuLAYA: LGBTQIA+ Film Festival ay hatid ng Film Development Council of the Philippines sa kanilang FDCP Channel sa pakikipagtulungan sa ABS-CBN Film Restoration – Sagip Pelikula, Love Yourself PH, Philippine LGBT Chamber of Commerce, HerShe, Village Pipol, Pelikula Mania, Parcinq Magazine, ClickTheCity, LakanBini Advocates Pilipinas, PUP Kasarianlan, PUP DZMC Young Communicators’ Guild, CIIT 24 Frames, MAPUA Kino Indio, at FEU Film Society.