May 23, 2025
Allen wants to work with Nora, Vilma, Sharon
Latest Articles

Allen wants to work with Nora, Vilma, Sharon

Jul 12, 2021

Maraming celebrities ang sumabak sa vlogging sa panahon ng pandemya. 

Isang paraan kasi ito para makakonekta sila sa kanilang mga tagasubaybay.

Para naman sa award-winning at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon,  gusto rin niyang subukan ang pagvlo-vlog.

Kumpara sa iba, gusto raw niyang i-explore ang tema ng pamilya at pagmamahal sa kalikasan sa kanyang vlog. 

“Para maiba naman,  it’s about bonding sa family, camping, love for nature,” ani Allen. 

“Iyong puwedeng mapanood at ma-enjoy ng buong pamilya,” pahabol niya.

Speaking of awards, Hall of Famer na sa Gawad Pasado si Allen Dizon.

Sa kasaysayan ng nasabing award-giving body,  siya pa lamang at ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang naluklok sa pinakamataas na karangalang ibinibigay ng mga kritiko at mga miyembro ng akademya.

Para kay Allen, kahit waring nakamit na niya ang rurok pagdating sa galing sa pag-arte,  hindi pa rin daw siya titigil sa pagpanday ng kanyang sining. 

“Feeling ko ang tanda-tanda ko na at beterano na dahil sa award,” pagbibiro niya.

“Pero happy ako dahil na-recognize kung anuman ang contribution ko,” dugtong niya.

Hirit pa niya, inspirasyon daw ang nasabing pagkilala para pagbutihin pa niya ang kanyang trabaho.

Paliwanag pa niya, marami pa raw siyang roles na gustong i-explore at gampanan. 

Gusto pa raw niyang makatrabaho sina Nora Aunor at Vilma Santos, maging ang Megastar na si Sharon Cuneta at Drama King na si Christopher de Leon. 

Pakiramdam kasi niya, hindi kumpleto ang kanyang karera kung hindi niya mararanasang makatrabaho ang mga ito. 

Gusto rin niyang subukan ang pagdidirek subalit kailangan daw muna niyang pag-aralan ang lahat ng aspeto nito bago siya sumabak. 

May posibilidad daw na mangyari ito limang taon mula ngayon. 

“Kung magdidirek ako, gusto kong idirek ang mga baguhan dahil ‘raw’ at madali silang hawakan,” paliwanag niya. 

Nagpapasalamat naman si Allen dahil pagkatapos ng humigit-kumulang na isang taon na walang trabaho dahil sa pandemya ay sunus-sunod ang dating ng kanyang mga proyekto. 

Bukod sa Abe-Nida, may gagawin din siyang pelikula under Joel Lamangan. 

May naka-line up din siyang action movie na ididirek ni Law Fajardo.

Katatapos lang niya ng First Yaya na balitang magkakaroon ng second season. 

Kasama rin siya sa cast ng Agimat Ng Agila kung saan kabituin niya si Bong Revilla na napapanood sa GMA-7.

Si Allen ang product endorser ng Oracur solution spray, isang topical oral analgesic na mabisang panlaban sa virus kasama na ang Covid-19.

Ang nasabing produkto ay idini-distribute ng Royal Imperial House Trading and Consultancy ni Ms.Baby Go at Dr. Jose Odilon Aranton ng GMA 8 International Development Corporation.

Leave a comment