
Why you should watch ‘Broken Hearts Trip’ this Christmas
Bukod sa pelikulang Broken Hearts Trip, ang isa sa pinag-usapan sa ginanap na Christmas party nito ay hinggil sa mga relasyon.
Ang naturang pelikula ang isa sa inaabangang entries sa gaganaping Metro Manila Film Festival 2023, na magsisimula na sa December 25.
Ang isa sa tampok sa pelikula ay si Christian Bables na sinabing mas preferred niya ang pakikipagrelasyon sa hindi taga-showbiz.
Aniya, “Laging outside showbiz, kasi mahirap eh, kasi maraming matang nakatingin. At saka hindi nyo mae-enjoy yung love roon sa relationship. Well, that’s just for me, iyon.”
Natanong din siya na kung sakali raw na naging gay siya, sino sa mga aktor ang gusto niyang maka-one night stand?
Unang sinabi ni Christian ay si Petite na katabi niya that time.
Pero idinagdag ng aktor na, “Ako po kasi gaya nang interview kanina, hindi ako ma-one night stand. Two nights …, hindi joke lang…
“Pero kailangan kasi na may matinding pagmamahal doon sa relasyon. Hindi ako… I’m not the type of guy.
“Honestly, I’m not the type of guy na… ano tawag dito? For playtime, hindi eh, hindi po. Date to marry po kasi ako, dahil po kasi siguro sa background na kinalakihan ko, ayaw ko ng playtime.”

Inusisa rin siya kung bakit dapat unahing panoorin sa filmfest ang pelikula nilang Broken Hearts Trip?
“Sa nangyayari ngayon sa panahong ito, ang chaotic na eh. I-treat naman natin ang sarili natin para tumawa, para maging happy this Christmas.
“And it’s just one of the many-many things na dapat… na dahilan kung bakit dapat panoorin ng mga tao itong movie namin,” sambit pa ni Christian.
Ang pelikula ay ukol sa limang broken hearted na members ng LGBTQIA+ at kinunan pa ito sa magagandang tourist spots sa Pilipinas.
Sa pelikula, si Christian ay gumaganap bilang Alfred, isang host ng reality competition na “Broken Hearts’ Trip” na tutulong sa contestants na hanapin ang paghilom sa kanilang mga sarili. Sa huli, mapagtatanto niyang siya man ay naghahanap din ng healing.
Interesting ang cast nito sa pangunguna ni Christian. Tampok din dito si Teejay Marquez, ang actor-director na si Andoy Ranay, Marvin Yap, Petite, Iyah Mina, at, Jaclyn Jose. Kasama rin sina Jay Gonzaga, Ron Angeles, Argel Saycon, Tart Carlos, Arnold Reyes, Kevin Posadas, at Sinon Loreca.
Ang pelikula ay idinirek ni Lemuel Lorca, mula sa story ni Lex Bonife at screenplay ni Archie del Mundo.
Ang Broken Hearts Trip ay joint production ng BMC Films at Smart Films.