
JC Santos grateful to be part of ‘Espantaho’
Thankful ang mahusay na aktor na si JC Santos sa pagiging bahagi niya ng pelikulang Espantaho.
Star-studded ang cast nito sa pangugunga nina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino. Ang pelikulang pinamahalaan ng batikang si Direk Chito Roño ay kabilang sa 10 entries sa 50th Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa Wednesday, December 25, 2024.
Ang Espantaho ay isang nakagigimbal na horror-drama na mula sa master ng Philippine horror cinema na si Direk Chito. Scarecrow ang translation nito sa English.
Isang hindi malilimutang cinematic experience ang hatid sa mga manonood ng Espantaho para sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ang pelikula ay naghahatid ng nakakatakot na kuwento ng pag-ibig, pangangaliwa, at misteryo. Itinatampok dito ang napakahusay na pagganap nina Judy Ann (Monet), Lorna (Rosa) at Chanda Romero (Adele).

Ipinahayag naman ni JC na naaalala niya ang kanyang mentor sa teatro sa kanilang direktor sa Espantaho, na first time niyang nakatrabaho.
Aniya, “Ako po, direk Chito, he reminds me of my theater mentors… bilang galing din po siya sa theater. And what I mean about that is, kapag sinabi ni Direk Chito na, ‘Isa pa,’ that means na kailangan mo pang galingan.
“Kapag sinabi niyang, ‘O, next sequence or next shot,’ ibig sabihin ay good.”
Pagpapatuloy pa ni JC, “So ang pinaka-punto ko roon, is that working with him or probably in this industry, you have to be friends with mistakes, failures, not looking good and not feeling good.
“So, I think sa natutunan ko rin sa theater… we look for failures para we can navigate through it and so that we can avoid it.
“So, kapag sinabing ‘isa pa,’ ibig sabihin ay mayroon ka pang kailangang patunayan, kailangan mo pang galingan…
“Ako, mas gusto ko ang training na iyon, I like the discipline and I respect that with Direk Chito. I’m glad that I worked with him,” sambit pa ni JC.
Nabanggit din ng aktor ang ginampanan niyang role sa pelikula.
“Ang role ko po rito is si Jack, asawa po ako ni Ms. Judy Ann Santos dito and yes I made it,” nakangiting sambit niya.
“Boyfriend, boyfriend po pala…,” aniya pa.
“Kalaguyo…,” nakangiting paikli naman ni Judy Ann.
“Yes, kalaguyo, hahaha!” Wika pa ni JC. “Isa po ako sa naging instrument sa pag-a-unearth niya ng past, ng family’s past niya.”
Ang Espantaho ay entry ng Quantum Films ni Atty. Joji Alonso, Purple Bunny Productions, at Cineko Productions ngayong 50th MMFF.
Showing na sa mga sinehan ang Espantaho ngayong December 25.
Kasama rin sa pelikula ang mahuhusay na sina Janice de Belen, Mon Confiado, Nico Antonio, Donna Cariaga, Tommy Abuel, Archie Adamos, Eugene Domingo, at ang award-winning child actor na si Kian Co.