May 22, 2025
Sylvia Sanchez thanks ‘Topakk’ supporters
Latest Articles

Sylvia Sanchez thanks ‘Topakk’ supporters

Dec 26, 2024

Proud ang premyadong aktres na si Sylvia Sanchez sa pelikulang Topakk na pinagbibidahan ng anak na si Arjo Atayde at ni Julia Montes.

Si Ms. Sylvia ang producer nito at ipinagmamalaki niyang nakagawa sila ng isang pelikulang pinalakpakan kahit sa mga kilalang international film festivals tulad ng 78th Cannes Film Festival, Locarno, at Austin.

Very hands-on talaga si Ms. Sylvia sa kanilang entry sa MMFF50.

“Kailangan eh, kasi, unang-una ay ipinagmamalaki ko ang pelikulang iyon. Pangalawa, ipinagmamalaki ko ang mga artista ko, ang gagaling nilang lahat, kaya sayang kung hindi ko tututukan.”

Aminado rin siya na nag-iba ang Pasko ng pamilya Atayde dahil sa MMFF50.

“Wala, walang Pasko… nakapag-celebrate lang kagabi ng 12 (midnight-Noche Buena), tapos after niyon, ngayon, today wala talaga… Nag-iba ang Pasko namin ng pamilya dahil sa Metro Manila Film Festival,” nakangiting wika pa ni Ms. Sylvia.

Aniya pa, “Iyong apo ko lang nagpawi ng pagod ko kagabi, pero masaya ako, kahit pagod. Ginusto ko ito, eh, panininidigan ko ito.”  

Nagpasalamat din si Ms. Sylvia sa mga naka-appreciate at pumuri kina Arjo at Julia sa galing ng action scenes na ginawa nila sa Topakk.

Aniya, “Thank you for saying na mayroong mga bagong action stars kina Arjo and Julia, thank you, thank you. Malaking bagay iyon para sa amin sa Nathan.”

Nabanggit din niyang ayaw na niyang mag-dwell sa hindi magagandang bagay, sa halip, very positive ang pananaw niya na thru word of mouth, marami ang tatangkilik ng kanilang pelikula dahil world class, hard action movie ito na talagang mag-eenjoy ang fans na mahilig sa astig na action films.

Aniya, “Positive na lang tayo, kapag maganda naman ang pelikula mo at nagustuhan ng manonood, may tinatawag naman tayong word of mouth, hindi ba?

“Basta masaya ako dahil naibigay ng Nathan Studios at Strawdogs iyong quality film na action. Hindi lang ito action, gaya ng sabi ko, nag-level up siya. Hindi lang ito action, may drama, friendship, family, brotherhood, so iyon yun.”

Dagdag pa niya, “Topakk po, please panoorin ninyo… kasi kung ito ay hinangaan at pinalakpakan sa ibang bansa, bakit hindi kayang hangaan at palakpakan sa sariling bansa natin, hindi ba?  Basta kailangan lang talaga na mapanood ito ng mga tao.

“So sulit po ang panonood ninyo ng Topakk, hindi lang ito action, hindi lang siya action, may drama, for family…

“Like ngayon na marami ang nagsa-shout out na maganda talaga ang pelikulang Topakk, iyon lang po masaya na ako, so nagpapasalamat ako sa lahat.”

Mula sa direksiyon ni Richard Somes, tampok din sa pelikula sina Sid Lucero, Enchong Dee, Kokoy de Santos, Levy Ignacio, Bernard Palanca, Paolo Paraiso, Vin Abrenica, Cholo Barretto, Julio De Leon, Ivan Carapiet, Jeffrey Tam, Gerard Acao, Michael Roy, Maureen Mauricio, Elora Espano, Claire Ruiz, Anne Feo, Bong Cabrera, Manu Respall, Rosh Barman, Victor Medina, Ivan Rivera, Ian Lee, Nico Dans, Yian Gabriel, Raquel Pareno, Precious Laingo, Kayley Carrigan, and Geli Bulaong.

Leave a comment