
Dr. Hayden Kho now believes in God and in religion
by Gerry Ocampo
Nakatsikahan ng Philippine Showbiz Republic (PSR) si Dr. Hayden Kho sa taping ng kaniyang morning TV show ng Kapatid Network na Healing Galing with Dra. Edrinell Carballo.
Naging open naman si Dok Hayden sa mga tanong ng ilang press pero ayaw pa rin niya maungkat hangga`t maari ang isyu sa kanila ni Katrina Halili kung humingi na ba siya ng tawad at ang balitang pagdalaw niya kay Senator Bong Revilla.
Magmula kasi ng simula hanggang sa matapos ang interview sa controversial doctor ay di nawawala ang pangalan ng Panginoon at kung paano siya nabago ng paniniwala na mayroong Diyos.
Noon daw kasi ay hindi siya naniniwala sa religion at kung may Diyos. Marami raw kasi siyang katanungan noon na hindi mabigyan ng kasagutan, lalo nang masangkot siya sa eskandalo na ikinatanggal pa ng kanilang lisensya bilang isang doctor.
“Hindi ako naniniwala [na] may Diyos. Marami akong katanungan na walang makapagbigay ng sagot. Nagbago lang ang lahat ng maimbitahan ako sa isang pagtitipon na isinama ako ng isa rin doctor.
“Hindi akalain ng kasama kong doctor na siya pala ang magsisilbing host that day para magbigay ng kalinawan sa mga nangyayari sa isang tao at paniniwala sa Panginoon.
“Pagkatapos niya magpaliwanag ay nagtanong ako kung totoo ba [na] may Diyos? Hindi ko na namalayan na habang nagsasalita ako ay umiiyak na pala ako at naikuwento ko na rin ang aking buhay at pinagdadaanan.
“Magmula noon, saka lang nagbago ang aking pananaw sa buhay at napagtanto na may Diyos talaga,” pahayag ni Dr. Hayden.
Natanggap na raw niya ang kanyang mga nagawang pagkakamali at humingi ng patawad.
Pero nang may sumundot na kung humingi na ba siya ng tawad kay Katrina Halili?
“Darating po tayo diyan. Hindi ko na sasabihin. Gusto ko kasi, kapag humingi [ako] ng tawad ay kami na lang,” katuwiran ni Dok Hayden.
Sa isyu naman kung totoo na dinadalaw niya si Senator Bong at binabasahan ng bible ay kaagad na nakiusap na huwag nang pag-usapan. Baka raw magalit si Lord. Hindi raw kasi maganda na pati yun ay pag-usapan.
Kahit na anong pilit sa kanya kung totoo na dinadalaw niya si Senator Bong ay hindi niya ito inamin at hindi rin itinanggi. Nagpaalam na siya kasi ay magsisimula na sila ng taping ng Healing Galing with Dra. Carballo.
Samantalang nakausap din namin ang co-host ni Hayden na si Dra Edrinell Carballo sa Healing Galing.
When asked by reporter kung hindi ba siya pinopormahan ni Dr. Hayden?
Napatawa at sabay sabi ni doktora na parang anak na lang daw niya si Hayden dahil may anak siyang babae na kasing-edad ng controversial doctor. Ayon kay Dra. Carballo, dati siyang radio reporter ng ABS-CBN dahil graduate siya ng Journalism.
Nakasama siya at kinuhang reporter ni Noli de Castro pero hindi rin nagtagal dahil nagresign siya bilang reporter para mag-aral ng mga gamut na galing sa mga halaman.
“Noon kasi, habang nagre-report ako ay madalas din ako magdala ng mga herbal sa mga kasama kong reporter. Lagi akong nasisita dahil pinagseseryoso ako sa pagbibigay ng balita pero lagi rin naman ako nasisita dahil sa pagdadala ko ng herbal medicine,” natatawang kuwento ni Dra. Edrinell Carballo.
Nag-resign siya at nagpunta ng ibang bansa para mag-aral ng panggagamot na galing sa mga halaman.
Hindi naman daw sila nagtatalo ni Dr. Hayden sa uri ng paggamot sa mga tao nangangailangan ng tulong para malunasan ang kanilang sakit.
Respeto raw sa isa`t isa at wala naman daw masama na magsama at magbigay ng payo ang isang western at eastern medicine.
Ang Healing Galing ay napapanood every weekday morning sa TV5 para magbigay ng health advice nang libre.