
‘Mandirigma’ a film of Arlyn dela Cruz coincidentally resembles Fallen 44 gallantry
by Eric L. Borromeo
Nagsimula nang gumiling ang kamera para sa ikalawang pelikula ng multi-awarded journalist at ngayon ay filmmaker na si Arlyn dela Cruz, ang ‘Mandirigma’. Ito ang follow-up movie niya sa critically-acclaimed na ‘Maratabat (Pride And Honor)’ na nakasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) New Wave Category nung Disyembre ng nakaraang taon.
“Originally, ang title nito ‘Bok’ and then we changed it to ‘Mandirigma’. Kasi ‘Bok’ ang tawagan ng mga opisyal. Kaya lang ‘pag ‘Bok’ parang maa-alienate naman ‘yung mga enlisted officers. This is not the story of the officers, this is the story of the Marines; mula sa pinakamababa hanggang pinakamataas na ranggo,” umpisang paliwanag ni Arlyn nung bisitahin sila ng Philippine Showbiz Republic (PSR) sa set ng pelikula sa Ternate, Cavite, nung Miyerkules, February 4.
First choice ni Arlyn bilang lead actor sa pelikula si Derek Ramsay. Pero, as of this writing, paglilinaw ng journalist turned filmmaker na nag-commit pa lang sa kanya ang aktor at wala pang final negotiation sa pagitan nila.
Pahayag pa ni Arlyn, “Derek Ramsay gave his word to us that he is going to do the central character of Capt. Arlan Salcedo. We believed in his words that he will do this film. He said so many times in his other interviews. Siya ‘yung magtatahi [ng istorya].
“There are two events depicted here, one in 2006 and another is 2014. He was a lieutenant in 2006, he [then] became a captain, [then later on] promoted in 2014. He encounters the same group. But this time, armed with proper intelligence and training to defeat the enemy,” pahayag ni Arlyn.
Nais ni Arlyn na mabigyan ng mas malalim na characterization ni Derek ang kanyang role kaya iniharap pa niya ang aktor sa commandant ng Philippine Marines.
“Nung iniharap namin siya sa commandant ng Philippine Marines, ang sinabi niya, ‘I want to do these la patria’ — for the country. Sinabi niya, ang kulang na movies sa atin ngayon ‘yung magpapakita ng pag-ibig sa bayan, pag-ibig sa bansa… sa pagka-mamamayan’. So, nakita niya, sabi niya, ‘that the Philippine Marines is doing that, that is their life. Hindi lang sila nasa trabahong ito kungdi ginagawa nila dahil sa mahal nila ang bansa’.”
Bago rin nagsimula ang shooting ng pelikula, nagkaroon din ng immersion sa Fort Bonifacio ang mga artistang kasali rito na sina Ping Medina, Victor Basa, Alwyn Uytingco, Marc Solis, Ken Anderson at Mon Confiado. Kumbaga ay binigyan sila ni Arlyn ng isang araw na crash course sa military training. Kailangan daw maranasan ng kanyang mga artista kung paano maging tunay na sundalo.
“Halimbawa, paano ‘yung assault. Iba ‘yung nakita ko kung papaano namatay ‘yung mga marines sa kino-cover ko. Siyempre, ‘yung proper training din nila nang pagsagawa ng assault, in every mission ina-apply din nila ‘yun, kung paano ‘yung tamang assault.
“Nakita ko kung paano namatay. Pero ‘yung tamang move, gusto kong makita ng mga artista ko. Ibig sabihin, naka-mix sila sa tunay na members ng Philippine Marines. You have artista playing marine officers and you have real marines with them in the scene,” paliwanag pa niya.
Ang critically-acclaimed na debut movie niya na ‘Maratabat (Pride And Honor)’ ay naikumpara sa trahedya ng Maguindanao massacre. Kaya naman agad na paglilinaw ni Arlyn, itong ‘Mandirigma’ ay hindi base sa kasalukuyang kontrobersya ngayon ng ‘Fallen 44’, ang 44 na Special Action Force (SAF) na nasawi sa Mamasapano, Mindanao kamakailan.
“Hindi namin sinasadya ang pagiging timely nito. Ang project na ito ay sinimulan namin last year pa. Dapat October pa nag-start, pero napasok ang ‘Maratabat’ sa filmfest, nag-concentrate ako doon. Natapos ko ang script [ng ‘Mandirigma], second week of January, bago nangyari ‘yung sa Mamasapano, Mindanao,” aniya.
Bilang journalist, may running story si Arlyn sa Philippine Daily Inquirer sa nabanggit na insidente, kaya tiyak na maalala ito ng mga tao kapag naipalabas na ang kanyang pelikula.
“Kung maaalala man natin ‘yung Mamasapano because of ‘Mandirigma’, it’s because they are all warriors. In fact, sa aking opinyon, maski yung Moro Islamic Liberation Front (MILF), maski yung Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), sa perspektiba nila, sila rin ay mandirigma. Iba nga lang ‘yung pinanggagalingan nila,” aniya.
Coincidence mang matatawag ang ‘Mandirigma’ sa trahedya ng ‘Fallen 44’, iniaalay na rin daw ni Arlyn ang pelikula sa mga nasawing ‘mandirigma’ at sa kanilang mga pamilya.
“Hindi po namin sinasadya, baka sabihin sumasakay or something, pero because of this story, maaalala natin ‘yung sacrifice nila. Maybe another movie will be done about it, pero nagkataon po na ‘yung mga mandirigmang nasawi, nakipaglaban… gusto kong sabihing nakipaglaban doon sa lugar na ‘yon, hindi ‘yung basta binanatan lang sila at namatay ng walang kalaban-laban. They fought a good fight with bravery intact, nandodoon lahat ‘yon.
“Mga mandirigma sila. Para sa kanila ito at para sa pamilya ng mga nasawi,” pagtatapos ni Arlyn.