
Director Maryo J, truly deserves the being “Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera”
Masayang tinanggap ni Direk Maryo J. Delos Reyes ang kanyang Lifetime Achievement award na pinagkaloob sa kanya ng Philippine Movie Press Club sa pagdiriwang ng 31st Star Awards for Movies noong Linggo sa The Theatre ng Solaire.
Ang karangalang ipinagkaloob sa kanya ay ang ‘Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera’. Ang pagkilalang ito ay ipinagkakaloob sa mga manggagawa ng pelikula na hindi umaarte sa harap ng kamera o hindi mga artista. Kabilang dito ang mga director, writer, producer at mga technical people. Napili ng PMPC si Direk Maryo dahil na rin syempre sa hindi matatawarang kontribusyon niya sa daigdig ng pelikula.
Isa sa nagmarka sa aming pandinig sa kanyang acceptance speech ay ang labis niyang pasasalamat sa entertainment press. Sinabi niya kasing napakalaking bahagi ng press sa kanyang tagumpay. Sa panahon ngayon marami sa mga taga-showbiz na mga kilala pang personalidad ang nakakalimot nang magpasalamat sa press. Hindi na rin ganoon kalapit ang loob ng artista sa mga reporter ngayon kaya sa tinuran ng batikang direktor ay naramdaman namin ang importansiya na ipinagkakait ng ibang taga-showbiz sa tulad naming manunulat.
[su_divider]____[/su_divider]
Speaking of Direk Maryo, nagsimula nang umere kahapon sa Kapuso Network ang bagong teleseryeng nasa ilalim ng kanyang direksyon. Ito ay ang Pari ‘Koy na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes na una niyang proyekto pagkatapos maikasal kay Marian Rivera.
Hindi nakaligtas sa intriga ang aktor sa bago nitong role na pari sa naturang programa. Kilala raw kasi siya bilang hunk actor na medyo nagpapa-sexy rin sa kanyang palabas at isa rin siya sa mga sinasabing pinakaseksing lalaki sa buong mundo.
Sabi’y mukhang malayo raw ang karakter na kanyang ginagampanan sa kanyang imahe. Anyway, ang masasabi lang namin dito ay role lang naman yun at wala naman sigurong kinalaman iyun sa kanyang personalidad. Kasalanan ba ni Dingdong na sexy siya at nagtataglay ng pang-romansang katawan? Ginagawa lang niya ang kanyang trabaho bilang artista.
Nga pala, naging maganda ang feedback sa Pari ‘Koy sa pilot episode nito kahapon. Siguradong marami ang mag-aabang dito dahil magsisilbing inspirasyon ang programa sa mga taong nawawalan ng pag-asa at maraming problema sa buhay. Patuluyin natin si Pari ‘Koy sa ating mga tahanan gabi-gabi. Ito ang programang sadyang ginawa ng Kapuso para sa lahat.