
“I look up to Manny Pacquiao. He’s my idol because he’s a true Pinoy pride.” – Khalil Ramos
In his own way, gustong tularan ng dating Pilipinas Got Talent second placer na si Khalil Ramos si Manny “Pacman” Pacquiao.
“Idolo siya ng lahat. Kinikilala siya sa buong mundo at malaki ang naiambag niya sa larangan ng boxing”, bungad ni Khalil. Ayon pa kay Khalil, malaking bagay ang maging isang Pinoy pride at maipagmalaki ka at tingalain hindi lang ng iyong mga kababayan kundi ng buong mundo.

Kaya naman nang malaman niya na siya ang napisil ni Direk Paul Soriano na gumanap sa role ni ni Eugene Barutag, isa sa mga Gensan boys na ang matalik na kaibigan ni Manny Pacquiao (na ginagampanan ni Buboy Villar), walang pagsidlan ang kanyang naging katuwaan. Dagdag pa ng singer-actor, nag-aral rin siya ng boxing for two years at ang kanyang partisipasyon sa “Kid Kulafu” ay nag-ignite sa kanya ng kanyang hilig noon sa boxing.
Kahit nahirapan sa shoot ng “Kid Kulafu”, sulit naman lahat ng hirap niya dahil paniwala niyang meron siyang isang pelikulang maipagmamalaki sa sambayanan at sa buong mundo.
“Iyong mga punches namin sa pelikula, totoo iyon. Walang daya. Naging makatotohanan siya dahil magaling ang director naming si Direk Paul,” kuwento ni Khalil.
Kung papipiliin ka, anong gugustuhin mo maging boxer o singer?
“Sa singing ako, nabigyan ng pagkakataon. Pero hindi lang naman sa larangan ng sports angat ang Pinoy kundi kahit sa ibang fields tulad ng singing kung saan kinikilala ang ating world-class talent,” sey ni Khalil.
Habang naghihintay ng kanyang susunod na teleserye o show sa Dos, busy naman siya paggawa ng mga independent at mainstream films.
Pagkatapos ng phenomenal box-office hit na “She’s Dating a Gangster”, balik-pelikula si Khalil.
Nasa cast siya ng “Kid Kulafu’, ang biopic ni Pacman kung saan ginagampanan niya ang importanteng papel ng kabarkada ni Manny na gusto ring sumikat sa larangan ng boxing.
Bilang paghahanda sa kanyang role, nagpakundisyon talaga si Khalil bago nagsimula ang kanilang shoot ng pelikula ni Paul Soriano.
Kung mabibigyan siya ng pagkakataon, sa kanyang susunod na proyekto gusto niyang makasama as a love team si Miles Ocampo. Maliban sa Kid Kulafu, tinatapos rin niya ang “Honor Thy Father” ni Erik Matti kung saan kapatid ni John Lloyd Cruz ang kanyang role.
Ang “Kid Kulafu” na biopic ni Pacman ay mapapanood na sa buong bansa simula sa Abril 15.