
“My daughter Mae is happy for me because I was able to find someone who could love me.” – Pokwang
Kapansin-pansin na may kakaibang glow ang mga mata ni Pokwang ngayon. Iba rin ang kanyang mga ngiti at talaga namang always blooming din ang hitsura niya.
Inlove kasi ang komedyana. At tila nga may matinding kilig at kakaibang kiliti sa puso ni Pokwang kapag natatanong kung kumusta na sila ng foreigner niyang boyfriend na si Lee O’Brian.
“Masaya!” aniya nga.
Totoo bang pinag-uusapan na nila ang pagpapakasal?
“Ay, hindi pa! Kalma-kalma muna,” natawang sabi ng komedyante.
Ang anak niyang si Mae, ano ang nasasabi tungkol sa relasyon niya kay Lee?
“Happy siya. Happy si Mae para sa akin na nakahanap ako ng taong magmamahal sa akin.”
Balitang parating sa Pilipinas ang boyfriend niya at magbabakasyon for three weeks. Pero humahalakhak lang si Pokwang at ayaw sabihin ang eksaktong date ng dating nito.
Pero maliban sa buhay pag-ibig, may isa pang bagay na labis umanong nakapagpapasaya ngayon kay Pokwang, ito ay ang pagkakasama niya bilang isa sa nominess for best supporting actress sa nalalapit na Golden Screen Awards For Television ng Entertainment Press Society o ENPRESS.
“Nominated ako for Mirabella. At ang mga makakalaban ko, nakakaloka! Sina Cherrie Pie Picache, Jaclyn Jose… yung ganoong level! Sabi ko nga nung makausap ko si Cherrie Pie, ibigay mo na sa akin, wala nang paglagyan ng trophy sa bahay mo!,”natawang biro pa ni Pokwang.
“Sabi naman niya, hindi ko nga alam na nominated din pala ako, e! Ngayon na sinasabi ko na sa ‘yo (Cherrie Pie), ibigay mo na sa akin ang trophy. Yun na yun!” tawa ulit niya.
Excited din daw si Pokwang sa bagong teleserye niya sa ABS-CBN. Ito ay ang fantasy series na Nathaniel. Kuwento ito ng isang batang anghel na napunta sa lupa upang makipamuhay sa mga tao bilang isang ordinaryo ring nilalang.
“Ang role ko rito, ako yung adoptive mother ni Nathaniel. Yung pamilya namin, kami ang masuwerte na mag-aalaga sa isang anghel na magbibigay ng pag-asa sa bawat tao.”
Positibo rin ang aktres na mayroong totoong anghel. “Sa totoong buhay, feeling ko may anghel talaga ako. E siyempre di ba yung anak kong lalaki?,” pagtukoy niya sa kanyang isa pang anak na pumanaw noon dahil sa dengue.
Mananatiling isang munting anghel daw para sa kanya ang namayapa niyang anak.
“Kaya nga noong ibinigay sa akin ang project na ito, sabi ko, ay, tungkol sa anghel!”
“Kaya ngayong April po, abangan ninyo ang pagdapo ng anghel na si Nathaniel sa ating mga tahanan sa Primetime Bida. Ito po yung anghel na magpapa-realize sa mga tao na tayo pala ay may mga kabutihan sa puso,” panghuling nasabi ni Pokwang.