
Buboy Villar finally gets his big break via “Kid Kulafu”
Kapapanalo lang ng tatlong major awards ng “Children’s Show”, ang 2014 Cinemalaya movie na pinagbidahan ng batang aktor na si Buboy Villar sa katatapos na Fantastic Cinema International Festival sa Arkansas, USA. Nauna pa rito nanalo rin ang nasabing critically-acclaimed film sa Fantasporto International Film Festival ng Special Jury Award sa Orient Express division ng naturang filmfest sa Portugal noong isang buwan.
Ngayon naman solong bida na si Buboy sa pinakabagong obra ni Paul Soriano (Thelma, A Journey Home) na “Kid Kulafu” kung saan ginagampanan niya ang papel ng batang Manny Pacquiao a.k.a. Kid Kulafu.
Nagsimula ka sa GMA-7 bilang child actor at nakilalang sidekick ng mga bida tulad ni Marian Rivera sa mga Kapuso shows. Ngayon, nasa estado ka na kung saan mahirap hanapan ng role na aakma sa iyong edad. Kumusta ang iyong naging adjustment?
“Nahirapan rin po talaga ako. Kasi aminado naman po ako na hindi forever na child actor ako. Hindi rin naman ako guwapo o pang-matinee idol kaya kahit ang GMA nahirapan rin sa pagbibigay ng mga projects sa akin,” kuwento ni Buboy.
Ano ang mga natutunan mo noong mga panahong hindi ka na ganoon ka-aktibo sa pelikula at telebisyon?
“Natutunan ko po ang kahalagahan ng pag-iimpok at ng pag-aaral. Importante rin po iyong patuloy na pananalig mo sa Diyos”.
Ayon pa kay Buboy, utang niya kina Derick Cabrido, director ng “Children’s Show” at Paul Soriano ang muling pagsigla ng kanyang career sa pelikula.
“Akala ko nga po noon, babalik na rin ako sa pamumulot ng basura. Nagpapasalamat na lamang po ako na merong muling nagtiwala sa kakayahan ko kaya aktibo na naman ako sa paggawa ng pelikula,” aniya.
Sinabi mo na pareho kayo ng buhay ni Manny Pacquiao. Ano ang pagkakahawig ninyo ni Pacman?
“Pareho po kaming galing sa hirap. Si Pacman po, bale namumulot ng bote ng syoktong na ibinebenta niya sa mga junkshops para matulungan ang kanyang ina at mga kapatid upang maiahon sila sa kahirapan noong bata pa siya. Ako naman po galing rin sa hirap, sa pamumulot ng basura,” pagbabalik-tanaw niya.
Ano naman ang natutunan mo sa pagganap sa buhay ng Pambansang Kamao?
“Dapat kung may gusto kang makamit sa buhay, pagsikapan mo. Kung meron mang pong hadlang, lumaban ka at huwag susuko kahit mabigo at laging manalig sa kapangyarihan ng Diyos,” matapang niyang pahayag.
Ano’ng masasabi mo na isang homegrown artist ka ng GMA pero ang Star Cinema ang magre-release ng iyong pelikula?
“Masaya po. Dati pa po naman akong nag-audition sa Little Big Star sa ABS bago pa ako lumabas sa mga shows sa GMA. Pero, laki po ng pasasalamat ko sa GMA at Star Cinema dahil sila ang nagbigay ng breaks sa akin,” pagwawakas ni Buboy.
Si Buboy Villar ay kasalukuyang isang freelancer.
Nasa cast rin ng “Kid Kulafu” sina Alessandra de Rossi bilang Mommy Dionisia, Alex Medina bilang Rosalio Pacquiao, Khalil Ramos at Kokoy de Santos bilang Gensan boys na kabarkada ni Pacman, Jake Macapagal, Ige Boy Flores, Joemari Angeles at marami pang iba. May special participation din ang award-winning actor na si Cesar Montano bilang Sardo.
Ang “Kid Kulafu” ay mapapanood na sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Abril 15, bago pa ang makasaysayang “fight of the century” ni Pacquiao vs. Mayweather sa Mayo 2.