
“It feels good when people recognize your performance.” – Richard Gomez
Ilang beses nang nanalo ng award si Richard Gomez bilang magaling na aktor at maging bilang isang TV host din. Pero nang tanggapin niya ang kanyang best supporting actor trophy sa Gawad-Pasado na ginanap sa auditorium ng San Sebastian College noong nakaraang Sabado, April 11, parang first time lang niyang manalo ng award na ganoon katindi ang excitement at saya sa mukha niya.
“Nagpapasalamat ako sa bumubuo ng Gawad-Pasado,” aniya. “Alam ninyo, marami na akong nagampanan na mga roles sa pelikula. Pero ang isa sa pinakamahirap na role na nagampanan ko ay ang pagiging abogado. Noon ay gumawa ako ng TV show na pinamagatang “Your Honor,” I’ve portrayed a lawyer in that TV series. To be honest, hirap na hirap ako. Kapag umuuwi ako ng bahay pagod na pagod ako. Parang na-drain ako ng husto ng character ko bilang lawyer.”
“Dito rin sa “The Trial,” mahirap ang naging role ko in the sense na kilometric yung lines namin. Wala pa doon yung acting, yung pag-internalized sa character. Kaya taus-puso akong nagpapasalamat for recognizing our craft and for recognizing the role.”
“And nagpapasalamat din ako sa mga artistang nakasama ko sa pelikula. Si John Lloyd Cruz (na ginawaran naman ng PinakaPASADOng Aktor) at si Gretchen Barretto (na nanalo namang PinakaPASADOng Katuwang Na Aktres). Gayundin sina Jessy Mendiola, Sylvia Sanchez at marami pang iba pati na sa aming director na si Chito Rono.”
“I’d like to share this award also sa mga kasama kong nominado. Lahat sila ay napakagaling, pero napakasuwerte ko na ako ang nanalo. Siyempre para rin ito sa aking inspirasyon, ang aking anak na si Juliana. Ito ay para sa kanya rin at para sa aking asawa na si Lucy Torres Gomez.”
“Si Lucy lagi ang nagbibigay ng buhay sa akin at nagpapasaya. Tuwing umaga paggising ko, ang sabi ko… ang pogi ko naman! Dahil si Lucy ang unang nakikita ko, pagmulat ng mata ko. Si Lucy ang talagang nagbibigay ng inspirasyon sa akin,” nakangiting sabi pa niya.
Ikalawang best supporting actor award na niya ito para sa pelikulang The Trial. “Ang first award ko para sa movie na ito ay mula sa Gawad-Tanglaw,” masayang pahayag ni Richard nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) at ilan pang miyembro ng media.
“Matagal-tagal na rin bago ulit ako nanalo ng acting award. And it feels good na nari-recognize yung trabaho natin o yung craft natin as an actor. Malaking bagay ito para sa mga artista na katulad ko. Importante yung may recognition ka.”
May ginagawa daw siyang pelikula ngayon sa Star Cinema. Ito ay ang Crossroads kung saan kasama niya sina Dawn Zulueta at Bea Alonzo.
“I play a doctor naman sa pelikulang ito. Maganda yung role ko.”
First time niyang makatrabaho si Bea. Ano ang masasabi niya about her?
“Bea’s very focused sa ginagawa niya at sa role niya. And napakabait na tao ni Bea. Ang ganda din niyang titigan. Kapag nagtatrabaho kayo, it feels good kapag maganda ang kasama mo sa trabaho, ang sarap. Ang saya, di ba?,” sabay ngiti ulit ni Richard.
May bagong teleserye din siyang ginagawa sa ABS CBN, ang “We’ll Never Say Goodbye” na idinidirehe ni Jerry Sineneng. Kasama ulit niya si Dawn Zulueta rito. “Ipapalabas ito by June. So malapit na, in two months time.”
Wala bang sawa factor na laging sila ni Dawn ang nagkakasama sa mga projects lately?
“Hindi. Kasi maganda naman yung script na mga ginagawa namin, e. So doon pa lang talagang challenging na.”
Ano ang masasabi niyang advantage kapag si Dawn ang partner niya?
“Magaling na artista si Dawn, e. Alam mo sa trabaho natin na pag-aartista, kapag magaling ‘yong ka-eksena mo mas madaling umarte. It makes our work easier,” pagtatapos pa ni Richard.