
“Manny Pacquiao and I had two things in common; we were both very poor and we came from broken families.” – Buboy Villar
Natutuwa si Buboy Villar sa positive feedback ng marami sa pinagbibidahan niyang pelikulang Kid Kulafu na showing na ngayon sa mga sinehan nationwide. Ito’y tungkol sa kuwento ng kabataan ng binansagang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
Nag-audition daw siya para rito. At hindi raw biro ang kanyang pinagdaanan bago niyang napagtagumpayang makuha ang role.
“Talagang mahirap po na audition. Kasi hindi ko alam kung ano ba yung ia-audition ko,” sabi ni Buboy. “Hindi ko pa po alam noong time na yun na movie pala ito ni Manny Pacquiao. Ang ipinalaam po sa amin noong una ay tungkol kay Oscar, isang batang mahirap na gustong mangarap.”
“Pina-arte po ako. Drama at comedy. Hanggang sa pangatlong balik ko, nagkita na kami ni Direk Paul (Soriano). Sinabi niya sa akin na ipakita ko raw kung ano ba ang mga sports ko. Sabi ko, basketball. Tapos sabi niya, ‘may abs ka ba, may muscles ka ba? Meron naman po Direk.”
Laking tuwa niya nang siya nga ang mapili for the role. Lalo na noong sabihin na sa kanya na gaganap pala siya bilang batang Manny Pacquiao.
“Tapos nag-training ako. Ano po, mahirap na training. Three months po akong nag-training sa boxing, pati workshop. At isang linggo pa lang po, nag-react na ang mga katawan ko,” na-enhance ang mga muscles nito sa katawan ang ibig sabihin ni Buboy.
Maganda ang review sa acting ni Buboy sa nasabing pelikula. At marami rin ang bumilib na talagang pati boxing moves ni Pacquaio, particularly yung liksi at bilis ng kamao nito habang sunod-sunod ang ginagawang suntok ay nakuha niya.
“Magaling yung nag-training sa akin ng shadow boxing, si Erwin Tagle.”
Maraming magagandang eksena ang pelikula. Ano sa mga tagpong ito ang masasabi niyang pinaka-memorable para sa kanya?
“Yung mga eksena po na kasama ang nanay,” pagtukoy niya sa mga eksena nila ni Alessandra de Rossi na siyang gumanap bilang si Aling Dionisia Pacquiao.
One thing in common daw sa kanilang dalawa ni Manny, parehong naghiwalay ang mga magulang nila. Isa raw ito sa rason kung bakit madali siyang nakahugot ng emosyon at naka-identify sa character ni Manny.
“Talaga pong halos magkapareho kami ng pinanggalingan ni Manny. Lalo na sa family. Kasi yung family din niya, magulo. Nagkahiwalay ang magulang.
Tapos pareho rin kaming galling sa hirap.”
Pati paraan at tono ng pagsasalita ni Manny, nakuha niya. Pinag-aralan din ba niya ito?
“Hindi po. Dati po kasi, kapag ako po nagsasalita ng Tagalog, kasi mabilis po akong magsalita kaya po lumalabas sa bibig ko yung pagka-bisaya ko.”
Bago natapos ang panayam ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) kay Buboy, hiningan naming siya ng mensahe sa fans.
“Nagpapasalamat po ako sa mga nanood na ng Kid Kulafu. At sa mga hindi pa nakakapanood, panoorin po ninyo ito. Mas makikilala ninyo si Manny Pacquaio, at mas rerespetuhin natin siya. Para na rin po ito sa laban niya (kontra kay Floyd Mayweather) sa May 3 dito sa atin. May 2 naman sa Amerika. Mayroon din po kaming special screening sa U.S. at sa Canada sa April 24.”
Hindi ikinahihiya ni Buboy na bago siya nag-artista, isa siyang basurero sa Cebu. Sobrang hirap daw talaga ng pamumuhay nila ng kanyang pamilya.
At dahil may talent sa pagkanta, nabuo ang pangarap niyang magamit ito para maiahon sa paghihikahos ang ina at mga kapatid niya.
Ibinenta nila ang kanilang maliit na barong-barong sa Cebu at lumuwas sa Maynila para makipagsapalaran. Nag-audition siya sa Little Big Star Season 2 at pinalad namang mapabilang bilang finalist.
Ang pagbabakasakali na maabot ang kanyang pinapangarap ay nagbunga. Dahil siya ang nanalo sa little division ng nabanggit na talent search.
Ang kanyang winning piece ay ang awiting Kailangan Ko’y Ikaw ni Regine Velasuez.
Buboy is 17. At pag-amin niya, nakaapat na girlfriend na raw siya.
“Pero sa ngayon po, wala akong girlfriend. Wala muna po.”