
Acclaimed actress Cherie Pie Picache does not favor the reimposition of death penalty
by Archie Liao
Hindi pabor ang award-winning actress na si Cherie Pie Picache sa pagbabalik ng death penalty o parusang bitay sa mga nagkasala ng heinous crimes tulad ng rape, murder at doon sa mga krimen na sangkot ang droga.
Nakatakda kasing ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang parusang bitay o kamatayan sa kanyang bagong mandato.
“I am an advocate of restorative justice. I believe that a criminal must be given the chance to go back society to regain his dignity, magsisi sa kanyang mga nagawa and to make amends for what he has done and hindi mangyayari iyon kung parurusahan siya ng bitay”, ani Cherie Pie.
Matatandaang pinatay ang ina ni Cherie Pie noong 2014 ng kanilang houseboy na si Michael Flores na lulong sa ipinagbabawal sa gamot.
Nasentensiyahan ng robbery with homicide si Flores noong nakaraang taon ng reclusion perpetua o pagkakabilanggo ng habambuhay.
Ayon pa kay Cherie Pie, kahit hindi pa siya nakaka-recover sa nangyari sa kanyang ina na walang awang pinaslang ni Flores, naniniwala pa rin siya na hindi ang death penalty ang solusyon para masugpo ang paglaganap ng mga karumal-dumal na krimen sa bansa.
“ It will take years for me to heal and years for me to actually forgive. Papaano lahat mangyayari iyon kung puputulin mo ang pagkakataon? Iyon lang ang reaksyon na sinusundan ko. And then the community, ano ang mangyayari sa isang community kung ang sensibility o ang mentalidad ng isa is magbawian ng magbawian. Then violence will never stop and hatred and anger will never stop and we just go on and on”, paliwanag niya.
Ayon pa kay Cherie Pie, ilang beses na niyang nakaharap ang pumaslang sa kanyang ina at hindi niya ikinailang nasa proseso pa rin siya ng ‘healing”.
“Tao lamang ako. Hindi naman ganoon kadali iyon. Naroon pa lang ako sa stage ng intensyon ng pagpapatawad. Pareho kaming dumadaan sa proseso. Hindi rin iyon madali sa akin at sa kanya dahil habambuhay siyang mabibilanggo. I’m working on it pero hindi talaga siya madali”, bulalas niya.
Dagdag pa niya nakatulong ang mga panalangin at paniniwala niya sa Diyos para unti-unti siyang mag-move on sa nangyaring trahedya sa ina.
“Kapag wala ka nang masulingan, tanging ang prayers mo na lang at ang faith mo ang magiging sandigan mo”, pahayag niya.
Dagdag pa ng aktres, naging malaking tulong din ang pagiging abala niya para malabanan ang depresyon na kanyang pinagdaanan noon.
“Na-realize ko life must go on. Iyong work ang naging therapy ko. Doon ako humugot ng inspirasyon”, sey niya.
Si Cherie Pie ay muling mapapanood bilang isa sa mga bida ng “Pauwi Na” na obra ni Paolo Villaluna, na isa sa mga kalahok sa kauna-unahang ToFarm Film Festival na brainchild ni Mrs. Milagros How with Direk Maryo J. de los Reyes as festival director at mapapanood na ngayong Hulyo.
Kasama rin sa pelikula sina Bembol Roco, Jerald Napoles, Meryl Soriano, Jess Mendoza at Chai Fonacier.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.