
Actor James Blanco says adults can learn from the wisdom of children
by Archie Liao
Proud si James Blanco sa kanyang bagong pelikulang “Pilapil” dahil maganda ang mensaheng hatid nito sa buong pamilya.
“It’s not only a film about going back to one’s roots, ipinakikita rin sa pelikula na bilang mga adults, marami rin tayong matutunan sa mga bata”, aniya.
Ayon pa kay James, may karunungan ding hatid ang pakikinig ng mga matatanda sa mga bata.
“Minsan, sa kanila tayo matututo. Hindi lamang sa kanilang mga sinasabi kundi pati na sa hindi nila sinasabi,”, pahayag niya.
Bilang isang magulang, siya rin iyong tipo ng ama na nakikinig sa kanyang mga anak.
“Actually, there is wisdom when you listen to your kids. Minsan, may mga bata pa nga na kung mag-isip, daig pa ang matanda”, paliwanag niya. “Minsan, hahangaan mo rin sila dahil iyong mga bata, mababa ang loob, hindi katulad ng mga matatanda na minsan sinisira ng ‘pride’ kaya nalilimutan ang meekness o kababaang-loob”, dugtong niya.
Sa kanyang pagpapalaki sa kanyang mga anak, open daw ang komunikasyon niya sa mga ito.
“Mas maganda na open ka sa kanila. Naroon din ang disiplina pero more than anything else, dapat ituring mo sila hindi lang mga anak kundi mga kaibigan o kaya’y kabarkada. In that way, hindi sila mahihiyang mag-open up sa iyo”, esplika niya.
Bida si James sa pelikulang “Pilapil” na isa sa anim na mga kalahok sa kauna-unahang ToFarm Film Festival na idaraos mula Hulyo 13 hanggang 19.
Ang Pilapil ay kuwento ng isang lalakeng gustong takasan ang buhay ng pagsasaka sa kanilang probinsya at ng isang inosenteng batang lalake na nagpabago ng kanyang pananaw sa buhay.
Maliban kay James, tampok din dito sina David Remo, Pancho Magno, Diva Montelaba, Bonbon Lentejas, Rez Cortez at Orlando Sol.
Ito ay mula sa direksyon ni Jojo Nadela na siya ring director ng “Sugarol” na naging kalahok sa 2016 Singkuwento International Filmfest noong Pebrero.
Bukod sa drama, hitik na hitik din sa aksyon ang pelikula kung saan pinaghandaan talaga niya ang kanilang mga eksena ng bakbakan sa pilapil.
“Nahirapan kami sa shoot kasi nakakapagod iyong mga eksena namin lalo na’t sa pilapil pa iyon ibang eksena, pero sulit naman siya, dahil nag-enjoy ako. Siyempre, humawak din ako ng baril na kasama sa kuwento”, pagtatapos niya.
Tungkol naman sa isyu ng pag-back out niya sa pelikulang “Balatkayo” na dapat ay gagawin niya sa BG Films, nilinaw ni James na hindi totoo ang balita na natakot siya sa mga love scenes nila ni Nathalie Hart kaya umatras siya sa proyekto.
Dagdag pa niya, nagkaroon ito ng conflict sa kanyang teleseryeng “The Millionaire’s Wife” kaya hindi sya natuloy sa proyektong pagsasamahan sana nila ni Aiko Melendez.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.