May 25, 2025
Ai Ai delas Alas pays tribute to ‘yayas’ in her latest film
Latest Articles

Ai Ai delas Alas pays tribute to ‘yayas’ in her latest film

Apr 21, 2017

Nakaka-relate si Ai Ai delas Alas sa kuwento ng “Our Mighty Yaya” dahil napakalapit sa puso niya ang tema ng pelikula.

Katunayan, naranasan din niya na magkaroon ng yaya hindi lang para sa kanya kundi sa tatlo niyang anak.

“Lumaki rin ako sa yaya. Kasi iyong adoptive mother ko, laging nasa province. Mga 15 years old ako noon, kasama ko lagi. So very close kami. Magkasama kami palagi hanggang sa magkaanak ako. Naging yaya rin siya nina Sancho, Sofia at Sean. Umiikot lang siyang cycle kasi siya na ang nag-aalaga sa nanay ko kaya nagpapasalamat ako dahil hindi niya kami iniwan all those years at nasa amin pa siya,” kuwento ng komedyana.

Para kay Ai Ai, itinuturing niyang mga ‘angel’ ang mga yaya dahil sila ang tumatayong pangalawang magulang ng mga batang kanilang inaalagaan.

“Ayokong tawagin silang yaying kasi ‘angels’ naman talaga sila dahil tinutulungan nila ako sa lahat lalo na’t busy ako sa trabaho ko. Sila iyong iniiwan ang kanilang pamilya at isinasakripisyo ang kanilang buhay para pagsilbihan lamang ang iba,” aniya.

18_001

Hindi rin ikinaila ni AiAi na minsan siyang nakaranas ng separation anxiety o sepanx sa pagkawalay sa kanyang yaya.

“Siyempre, naroon na iyong attachment mo sa kanila lalo na’t kung mabait sila at mapagkakatiwalaan at itinuturing mo nang miyembro ng pamilya mo,” hirit niya. “Iyong iba naman, kahit paano kapag umaalis, nami-miss mo pa rin kahit na minsan ay may nagawang mali,” dugtong niya.

Ayon pa sa box office comedy queen, saludo siya sa mga yaya sa kanilang ginagawang pangangamuhan para lamang itaguyod ang kanilang pamilya.

“Hindi biro iyong manilbihan ka sa iba, dahil iba rin ang pakikisamang gagawin mo. Hindi rin naman lahat ng amo at aalagaan mo ay mabait,” sey niya. “Although may ibang yaya na salbahe rin at nagte-take advantage, meron namang loyal at nakahandang isugal ang buhay para sa iyo kaya dapat trinatrato natin silang mabuti,” pahabol niya.

Proud din si Ai Ai na nakagawa siya ng pelikulang nagbibigay pugay sa unsung heroes ng ating kabahayan: ang mga yaya.

“Kaya nga tribute itong pelikula sa kanila. Sila kasi ang gumagawa ng duties o obligasyon ng isang magulang kapag wala sa bahay ang isang ina o ama. Sila iyong gumagabay sa mga bata kapag wala ang kanilang mga magulang. Sila iyong nasa frontline sa anumang pinagdadaanan ng kanilang mga inaalagaan,” ani Ai Ai.

20_001

Papel ni Virgie, isang mapagkalinga at mapagmahal na yaya ng sosyal na Sevilla family ang ginagampanan ni AiAi sa pelikula.

Kabituin niya sa kwelang pelikulang ito na may puso sina Megan Young, Zoren Legaspi at Beverly Salviejo.

Binibigyang buhay naman nina Sofia Andres, Lucas Magallano at Allyson McBride ang mga papel ng mga anak ng Sevilla family na inaalagaan ni Ai Ai.

Ang “Our Mighty Yaya” na nag-uumpaw sa saya, katatawanan at kasiyahan ay mula sa direksyon ng multi-awarded screenwriter and director na si Jose Javier Reyes.

Mula sa Regal Entertainment, mapapanood na ito simula sa Mayo 10 sa lahat ng mga sinehan sa bansa bilang special Mother’s Day Presentation.

 

 

 

 

 

 

 

Leave a comment