
Aiko clarifies Jomari-Jean affair; admits breakup with Persian boyfriend
Naging usap-usapan noon ang relasyon umano ni Jomari Yllana, ex ni Aiko Melendez sa Kapuso actress na si Jean Garcia.
Katunayan, may mga nakakita noon sa dalawa na animo’y lovers daw na nagde-date sa concert na “The Big, Big Show” ng mga biriterang sina Radha, Frenchie Dy at Bituin Escalante sa Solaire.
Sa panayam namin kay Aiko sa presscon ng kanyang pelikulang “Balatkayo” sa birthday ng queen of indie films na si Ms. Baby Go, ito’y mariin niyang pinabulaanan.
“That’s not true. Jean and I are friends. I know the real score. They’re just good friends back pa noong “Kampanerang Kuba” days sa ABS. Alam ko talaga ang totoo,” giit ni Aiko.
Ayon pa kay Aiko, boto naman siya kay Jean kung sakaling ito ang makatuluyan ng kanyang ex.
“If and when they fall in love, walang problema sa akin dahil mabuting tao si Ate Jean. Gusto ko rin namang mapunta ang ex-husband ko sa mabuting babae. Kasi, taken na si Jomari, but not by Jean. Kung lumalabas man sila, it’s a friendly date in the company of friends,” paglilinaw niya.
Happy din si Aiko dahil nabigyan na naman siya ng pagkataong magbida at ipakita ang kanyang kalibre sa acting sa pelikulang “Balatkayo” ni Neal Tan (“Ataul for Rent”, “Homeless”, Bigkis”) pagkatapos manalo ng dalawang international best actress awards sa “Asintado” at isang best supporting award sa “Iadya Mo Kami” para sa Gawad Tanglaw.
Papel ng isang OFW na nagtratrabaho sa ibang bansa na ang tanging gusto ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang anak ang papel ni Aiko sa pelikula. Dahil sa kawalan ng panahon, mapapabayaan niya ang kanyang bunso na masasangkot sa isang sex video scandal na sisira sa kanilang pamilya.
Ani Aiko, nakaka-relate siya sa kanyang role dahil siya man ay may Andrei na, ang binatang anak niya sa ex na si Jomari na suportado niya ang pag-aartista.
Katulad ng sinumang magulang, concerned din siya sa mga moral values ng kanyang anak at gusto niyang protektahan ito sa masamang epekto ng internet at social media.
“I am always blessed that my son Andrei is God-fearing. Si Martina naman is only 10 years old. Iyon phone kasi ni Andrei, dapat alam ko rin ang password. I remind them the values in dealing with that,” aniya.
Inamin naman ni Aiko na break na sila ng kanyang Persian boyfriend na si Shahin Alimirzapour.
“I’m very much single and ready to mingle. Hindi ko na lang sinabi sa media iyong breakup namin kasi it might spoil some things kasi hindi naman siya artista,” paliwanag niya.
Kahit na-involve na sa dalawang foreigners, hindi naman isinasara ni Aiko ang kanyang pinto sa mga foreigner-suitors.
“Kahit naman anong lahi, nasa pakikisama at pagkakaunawaan iyan. I believe naman that there’s someone out there who will stay forever in my life. Dapat lang may approval ng mga anak ko at iyong vision at mission namin ay nagja-jive at handang mahalin ang mga anak ko. I don’t mind kung older or younger siya sa akin pero mahihiya naman ako sa anak ko kung he is as old as him,” pagwawakas niya.
Wish din ni Aiko na makasama sa pelikula ang kanyang anak na si Andrei na napapanood na rin sa mga programa ng ABS-CBN.
Sa “Balatkayo”, kabituin ni Aiko sina Polo Ravales, Nathalie Hart, Rico Barrera at ipinakikilala ang bagong BG discovery na si James Robert.
Kasama rin sa cast sina Melissa Mendez, Kristine Barretto, Vangie Labalan, Lui Manansala, Ernie Garcia at Jess Evardone.
Mula sa iskrip ni Jason Paul Laxamana, ito ay sa direksyon ng batikang director na si Neal Tan.