
Aljur Abrenica and Kris Bernal teams up again in “Karelasyon”
By PSR News Bureau
Siguradong magdidiwang ngayon ang fans ng nagbabalik-Kapuso heartthrob na si Aljur Abrenica at Kris Bernal lalo na’t muling magsasama ang dalawa sa panibagong show ng GMA 7 na may titulong ‘Karelasyon.’
Matagal ding nabakante sa trabaho itong si Aljur matapos nitong magreklamo laban sa kanyang home network kaya’t ipinagpahinga muna siya sa kanyang trabaho. Ngayong aktibo na naman ang aktor sa paggawa ng palabas, masaya ang aktor na muling maitambal kay Kris na orihinal niyang ka-loveteam. “Hindi ko inaasahan na muli pa kaming magkakasama ni Kris sa isang drama serye,” ani Aljur na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sa magandang nagyayaring muli sa kanyang career. “Nung mabasa ko ang script, naging emosyonal ako kasi it’s been a while, matagal-tagal na rin noong huli akong gumawa ng ganitong proyekto,” dagdag pa ng hunk actor.
Ayon kay Kris, halos dalawang taon silang hindi nagkasama sa trabaho ni Aljur pero gaya ng aktor, masayang-masaya rin ito na magkasama silang muli. Natatawa nga itong nagkuwento na hindi daw niya maiwasang mangiti kahit pa seryoso ang kanilang eksena dahil sa sobrang tuwa nito.
Sa “Karelasyon,” gagampanan ni Aljur ang papel ng isang con artist at isa sa mga nabiktima niya ay ang nanay ni Kris na gagampanan naman ng nagbabalik-showbiz na dating beauty queen na si Dindi Gallardo.
“Gusto ko sanang mag-sorry sa lahat ng mga taong nasaktan ko at sa fans na na-disappoint ko. Pero ngayong nandito na akong muli, sana mabigyan pa rin ninyo ako ng isa pang pagkakataon. Isa kayo sa dahilan kung bakit nandito pa ako,” pagtatapos ni Aljur.