
Allen Dizon considers his role in “Bomba” his most challenging
Bilang isang actor, halos wala nang kailangang patunayan ang award-winning at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon.
Katunayan, siya ay maituturing na most-awarded actor of his generation.
Sa kabuuan, naka-24 acting awards na siya sa best actor at best supporting actor categories mula sa iba’t-ibang prestihiyosong award-giving bodies locally at internationally, kasama na ang pinakahuli niyang karangalan sa Gawad Pasado.
Pagkatapos manalo sa “Magkakabaung” at “Iadya Mo Kami”, nangangamoy award na naman siya sa pinakabago niyang pelikulang “Bomba” (The Bomb).
Ayon pa kay Allen, ikinu-consider niya ang role niya sa obrang ito ni Ralston Jover bilang pinaka-challenging.
“First time kong gaganap ng pipi. So all through out, wala siyang dialogue. Action lang siya, facial expression at mata sa mata. Hindi rin siya iyong maingay na pipi, subtle lang siya,” paliwanag niya.
Kuwento pa niya, tulad ng titulo nito, marami rin daw pasabog ang pelikula.
“Tahimik lang siya. Mabait siya at responsable, pero pag nagalit siya, para siyang bomba. May kapansanan siya pero hindi lahat ng tao ay naiintindihan siya. May itinatago rin siyang lihim sa batang inampon niya,” paglalarawan niya.
Bilang paghahanda sa kanyang role, nag-aral siya ng sign language para maging makatotohanan ang kanyang pagganap.
“Nag-enrol ako sa La Salle. Kung paano iyong tamang sign language. Kung paano sila makipag-usap. Kasi dapat sakto lang at tama ang ia-arte mo at hindi iyong mag-i-improvise ka. Meron din kaming sign language coach sa shooting,” pahayag niya.
Marami rin daw siyang natutunan sa pagpasok sa mundo ng mga pipi at may kapansanan.
“Tulad ninuman, may mga pangangailangan din sila. May special needs sila. They need acceptance. Compassion. Naghahanap din sila ng lugar sa lipunan,” ani Allen.
Nakaka-relate rin daw siya somehow sa kanilang kundisyon.
“Noong kabataan ko at nag-aaral ako, meron akong mga nakilalang mga pipi. Iba’t-ibang klase rin kasi ang pipi. May piping may pinag-aralan. May mga piping gifted. May piping nakakapag-text. Meron parang normal lang naman at may trabaho. Pero, iisa lang naman ang gusto nila, marinig ang boses nila at maunawaan sila,” bulalas niya.
Bilang isang actor, concerned si Allen kung paano pa ii-improve ang kanyang craft.
“Sa iskrip, sumusunod ako. Pero may time na kapag hindi ako kumportable sa eksena o sa karakter, sinasabi ko sa director ko o kaya’y sa writer. Minsan, nagsu-suggest ako. Mas nai-improve kasi ang trabaho kung may collaboration,” esplika niya.
Bagamat ayaw ni Allen na mag-ulit ng mga role, hindi raw naman siya ganoon ka-metikoloso sa pagtanggap ng papel na gagampanan.
“Ayoko kasing mag-ulit ng roles at kung meron mang pagkakahawig sa nagawa ko na, meron naman siyang ibang atake,” pagwawakas niya.
Masaya rin si Allen dahil nakatrabaho niya ang award-winning director na si Ralston Jover na pinabilib siya sa mga obrang “Hamog”, “Da Dog Show”, “Hiblang Abo” at iba pa.
Kabituin ni Allen sa “Bomba” (The Bomb) sina Angeline Nicole Sanoy, Allan Paule, Kate Brios, Sue Prado, Joel Saracho, Tabs Sumulong, Bon Alentajas, Felixia Dizon, Lucas Dizon at marami pang iba.