
Allen Dizon nixes rumor that Julia Montes is a ‘primadonna’
by Archie Liao
Pinabulaanan ng multi-awarded actor na si Allen Dizon ang mga naglalabasang isyu na primadonna raw si Julia Montes at may attitude problem bilang katrabaho niya sa toprating afternoon Kapamilya gold TV series na “Doble Kara” kung saan dual role ang ginagampanan nito.
“Mabait na bata si Julia. Napakabait at napaka-professional,” depensa ni Allen kay Julia.
Dagdag pa ni Allen, wala raw siyang na-encounter na problema kay Julia na gumaganap na anak niya sa nasabing teleserye ng Dreamscape Entertainment.
“Ako ang tatay niya rito at parang anak na rin ang turing ko sa kanya,” aniya. “Wala kaming problema sa set dahil parang isang masayang pamilya kami rito. Enjoy siyang katrabaho at kahit si Carmina [Villaroel] na first time ko ring nakatrabaho,” lahad niya.
Aminado si Allen na malaking boost sa kanyang career ang pagkapanalo niya sa “Magkakabaung” ng more than 16 acting awards sa iba’t-ibang film festivals locally and internationally para maging in-demand siya as an actor. Pero kahit siya na ang pinaka-most awarded actor natin ngayon, nanatilili pa ring grounded at mapagkumbaba si Allen na hindi binago ng kanyang mga napanalunang awards at tinatamasang kasikatan.
Ngayon, inaasahang magpapatuloy na naman ang paghakot niya ng awards sa kanyang pinakabagong obrang “Sekyu” kung saan napansin na naman ang kanyang acting.
Happy din si Allen Dizon dahil muli silang magkasama ni Direk Joel Lamangan sa isang makabuluhang pelikula tulad ng “Sekyu” pagkatapos niyang makatrabaho ang multi-awarded master director sa mga pelikulang “Sigwa”“Patikul,” at “Dukot,” kung saan una siyang napansin.
Sa kanyang pinakabagong indie movie na “Sekyu” ng BG Films na iprinudyus nina Ms. Baby Go, Romeo Lindain at Dennis Evangelista, ginagampanan ni Allen ang isang markadong role ng isang security guard na aksidenteng napatay ang kanyang asawa.
May kaibahan ba ang pakikipagtrabaho mo ngayon kay Direk Joel kumpara noon?
“Siguro, mas nadagdagan lang iyong self-confidence ko noong manalo ako ng awards. Iyong mas relaxed na ako pero hindi naman kampante sa aking craft,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Allen, kumpara sa “Magkakabaung,” parehong subdued ang acting niya sa dalawang pelikula.
“Gusto kasi ni Direk na subtle iyong acting ko rito. Tragic iyong pinagdaanan ng karakter niya pero gusto naming maging realistic na hindi ma-drama o acting na acting. Actually, iyong kuwento, hindi siya iyong tungkol sa mga social issues kundi naka-focused mismo doon sa life ng sekyu bilang isang simpleng tao at iyong pamilya niya,”paliwanag niya.
Obserbasyon din niya, mas cool na ngayon si Direk Joel sa kanyang pagdidirek pagkatapos nitong magkaroon ng mild stroke noon.
“Mas gamay ko na siya ngayon. Wala pa rin siyang kupas ang kanyang galing at isa talaga siyang actor’s director,” buong pagmamalaki pa nito kay Direk Joel.
Mula sa panulat ng multi-award winning screenwriter at Gawad Plaridel awardee na si Ricky Lee, ang “Sekyu” ay nagtatampok din kina Sunshine Dizon, Melai Cantiveros, Kiko Matos, Raquel Villavicencio, Jaime Pebanco, Rez Cortez at maraming iba pa.
Ang “Sekyu” ay nakatakdang mag-compete sa Kolkata International Film Festival sa India at sa Dhakka International Film Festival sa Bangladesh ngayong Nobyembre.
Mapapanood rin ni Allen ang “Iadya Mo Kami” (Deliver from Evil) ni Mel Chionglo at kasalukuyan niyang ginagawa ang “Walang Katapusang EDSA” ni Alvin Yapan.