
Allen Dizon stresses the importance of education in molding a child’s future

Isa sa mga pinaka-paboritong roles na nagampanan ng award-winning at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon ang papel ni Lando sa Cinemalaya entry na “Lando at Bugoy” ni Vic Acedillo, Jr.
“Close kasi siya sa akin. It’s a story of the relationship of father and son. I have four kids at kapag pinag-uusapan ang mga bata, mabilis akong nakaka-relate dahil isa akong ama”, bungad niya.
Ayon pa kay Allen, proud siya na maging bahagi ng proyektong tulad ng “Lando at Bugoy” na nagsusulong ng positive values tungkol sa edukasyon.
“Illiterate kasi rito ang role ko. Hindi siya nakapag-aral noong kabataan niya dahil sa hirap ng buhay. Pero noong panahon na may trabaho na siya at kaya na niyang buhayin ang kanyang pamilya, naisip niyang bumalik sa eskuwela para i-pursue iyong dream niya na makatapos ng school at makaagapay siya sa anak niya na sinabayan niya sa pag-aaral”, kuwento ni Allen.
Dagdag pa ni Allen, layunin daw ng pelikulang magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan at sa lahat ng nagsisikap na abutin ang kanilang mga pangarap gaano man ito ka-simple.
“Hindi naman hadlang ang estado mo sa buhay o ang edad para hindi ka magpursige para abutin mo ang iyong pangarap. Dapat may ginagawa ka para matupad ang iyong pangarap. Ang pangarap ay trinatrabaho at pinaghihirapan”, paliwanag niya.
Nagbahagi rin si Allen ng kanyang natutunan sa pagganap niya sa pelikulang “Lando at Bugoy”.
“Sa lahat naman sa atin, merong isang Lando at meron ring Bugoy. Bugoy ka kung nananatiling mangmang ka at wala kang ginagawa para umasenso sa buhay. Lando ka kung napagtagumpayan mo na o nakamit mo na ang iyong pangarap”, bulalas niya.
Bilang isang ama, mahalaga kay Allen ang edukasyon ng kanyang mga anak.
“Lahat naman ng magulang, gustong makapagtapos ang kanilang mga anak. Iyon lamang ang tanging kayamanan na maipamamana mo sa kanila. Sa edukasyon, inihahanda mo sila para sa magandang kinabukasan. Binibigyan mo sila ng ‘tools’ para mabuhay. Hindi ka maloloko kung may pinag-aralan ka at marunong bumasa at sumulat”, esplika niya. “Paano ka makakakuha ng magandang trabaho kung wala kang pinag-aralan? Sa mga anak mo, kung wala kang naiwang pera sa kanila at least kung natapos sila, may sandata silang magagamit para mabuhay”, pahabol niya.
Kahit may anak siya na tulad ni Felixia na sumusunod sa kanyang mga yakap bilang artista, nanatiling prayoridad pa rin daw nito ang pag-aaral.
“Siyempre, importanteng ma-maintain nila iyong grades nila. Okey lang na mag-artista as long na hindi nila napapabayaan ang pag-aaral at naroon pa rin iyong discipline bilang estudiyante”, deklara niya.
Puring-puri naman ni Allen ang young actor na si Gold Aceron na gumaganap na anak niya sa pelikula.
“He’s a natural actor. Bigyan lang siya ng maraming projects, magiging magaling siyang actor”, aniya.
Nasa second year college si Allen nang ma-discover siya at pumasok sa showbiz noon.
“HRM ang kurso ko. Kahit naging busy ako noon sa mga projects ko, ginawan ko pa rin ng paraan para matapos ko ang course ko. Iyon namang pag-aartista ay hindi permanenteng trabaho. At least, kung hindi ka na ‘active’ sa showbiz, meron kang fallback”, pagtatapos niya.
Kinunan sa matulaing lugar ng Camiguin, ang “Lando at Bugoy” ay nagtatampok din kina Roger Gonzales, Rachel Anne Ang Rosello, Maricar Semitara, Carlos Penaloza, Benjie Criss Estrella, Reynald Mangao at marami pang iba.
Bukod sa “Lando at Bugoy”, malapit na ring mapanood si Allen sa pelikulang “Area” ng BG Productions kung saan kabituin niya ang comedy queen na si Ai Ai delas Alas sa direksyon ni Louie Ignacio.
Abala rin siya sa kauna-unahang Cinemaone Originals movie niya na “Malinak Ya Gabi” (Silent Night) ni Jose Adel Langit.