May 22, 2025
Amateur Aeta actor Garry Cabalic wins his first acting award
Latest Articles Movies T.V.

Amateur Aeta actor Garry Cabalic wins his first acting award

Jul 22, 2016

Archie liao

by Archie Liao

garry cabalicKinabog ng baguhang Aeta actor na si Garry Cabalic ang mga co-nominees niya na sina Neil Ryan Sese (Kakampi), James Blanco (Pilapil), Alfonso Ynigo Delen (Pitong Kabang Palay) at Paolo O’hara (Free Range) nang manalo siya ng best actor sa kauna-unahang To Farm Film Festival.  Nag-tie sila ng beterano at award-winning actor na si Bembol Roco ng pelikulang “Paglipay” para sa nasabing kategorya.

Ngayong nanalo ka na ng award, ibig bang sabihin nito ay tuloy-tuloy na ang pag-aartista mo?

“Maaari po sigurong tuluy-tuloy  na kasi naninibago pa rin ako kasi sa tingin ko po, parang nananaginip lamang ako pero totoo pala itong ginagawa ko. Masaya po ako dahil naging isang best actor po ako”, ani Garry.

Ano’ng masasabi mo na kinabog mo ang mga aktor na may karanasan na sa acting?

“Tuwang-tuwa po talaga ako at naninibago po ako at talagang wala po akong masabi”, galak na galak na pahayag ni Garry.

paglipayMuntik ka na raw hindi makarating sa awards night pero sinundo ka pa ni Mrs. Milagros How mula sa bulubunduking lugar ninyo sa Zambales noong malaman niyang  isa ka sa mga nominado sa best actor . Ano’ng masasabi mo rito?

“Hindi ko nga po sukat akalain na may bumabang helicopter sa amin. Nasa amin po ako sa ‘gasak’ at naglilinis ng gabi. Hindi ko nga po akalain na susunduin ako kaya nagulat talaga ako. Hindi rin nga po ako nakapag-prepare kasi madumi ang damit ko at wala akong tsinelas pero masaya ako dahil nakasama ako rito”, aniya.

Wala kang pormal na karanasan sa acting. Paano mo naitawid ang mga kinakailangan ng iyong papel bilang Atan para maging kapani-paniwala ka sa iyong pagganap?

“Sa turo po ni Direk Zig Dulay. Doon po ako natuto sa kanya. Naalis po lahat ng hiya ko. Natuto po ako noong nagsho-shooting  na kami. Natutunan ko po ang dapat na aksyon na dapat kong gawin”,pagbubunyag niya.

Nanonood ka ba ng pelikulang Tagalog?

“Opo. Nanonood din po”,pakli niya.

paglipay-dulaySino sa mga artista natin ang iniidolo mo?

“Basta nanonood po ako ng mga pelikulang Tagalog. Marami po sila”, bulalas niya.

Maraming naka-relate sa kuwento ng “Paglipay” lalo na iyong tungkol sa katutubo na natutong magmahal sa isang taga-Maynila na may iba namang mahal. Marami rin ang nakisimpatiya sa iyo. Sa palagay mo ba, mababawasan ang simpatiya na iyon ngayong nalaman na may asawa’t anak ka na pala sa tunay na buhay?

“Hindi ko po alam,” pakli niya.

Kung sakali ba, gusto mo nang mag-full time bilang aktor sa pelikula man o telebisyon?

“Okay naman po kung may mag-aalok sa akin”, pagtatapos niya.

Si Garry ang kauna-unahang Aeta actor na nanalo ng acting award sa kasaysayan ng pinilakang tabing sa bansa.

Kabituin ni Garry sa “Paglipay” ang ToFarm best supporting actress na si  Anna Luna.

Kasama rin sa cast sina  Joan dela Cruz, Manel Sevidal, Natasha Cabrera, Gigi Locsin, Joel Saracho, KenKen Nuyad at  JC Santos .

Ang Paglipay (Crossing) na nagwagi ng best picture at best director para kay Zig Dulay ay may extended run sa SM  Megamall mula Hulyo hanggang 26.

Photo Courtesy of Erickson dela Cruz

For  your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.

Leave a comment

Leave a Reply