
Angel Locsin talks about purpose, new show, wedding
Mamayang gabi (6:15 pm) na mapapanood sa Kapamilya channel ang pilot episode ng “Iba Yan!” hosted by Angel Locsin.
Every Sunday ito ipapalabas. Ito ang first time ni Angel na mag-host ng isang TV show.
Hanggat maaari, ang gusto lang naman niyang gawin ay ang umarte.
Sa virtual prescon ng nasabing show kahapon, ipinaliwanag ni Angel ang dahilan kung bakit napapayag siyang mag-host ng isang programa.

Sabi ni Angel, “Yung hosting, isa ‘yan sa mga kumbaga, natatakot akong gawin. Pero nu’ng nilatag po nila sa akin itong show, and ito kasi ‘yung kailangan natin sa panahon ngayon, eh. ‘Yung show na makakadagdag ng inspirasyon, makakadagdag ng.. siguro sorry sa term na gagamitin ko, huh!
“Sa dami kasi ng problema na nangyayari ngayon sa Pilipinas, marami akong nababasa na, nakakahiya maging Pilipino, nakakahiya maging ganyan-ganyan.
“Parang isa sa mga objective ng show na ito, bukod sa makapagbigay-ngiti at inspirasyon sa tao, is ‘yung mabalik ‘yung pagiging proud natin, na ah Pinoy tayo. Ito ‘yung magagandang katangian natin. Ito ‘yung ugali ng Pinoy, katulad ng pagbabayanihan.
“Grabe tayong tumulong sa kapwa natin. Kahit nasalanta na tayo, ‘yung isusuot na lang natin na damit, isusubo na lang nating pagkain, ibibigay pa natin sa kapwa natin.
“So, isa ‘yun sa maganda sanang i-remind natin, lalo na sa mga kabataan natin ngayon, na ito, isa sa mga ugali ng Pilipino, na hindi natin dapat ikahiya. Huwag tayong magwalang pakialam, makialam tayo.
“Patuloy nating gawin ‘yung magagandang traits. So, isa ‘yun sa nagpapayag po sa akin.
“Honestly, dapat pahinga po sana ako ngayon. Nag-aayos ng kasal.
“Pero, lahat naman tayo naka-pause ngayon, ‘di ba? Naka-pause ‘yung buhay natin. So kailangan nating mag-adopt sa panibagong normal.
”So ito na ‘yung panibagong normal. And in a way, ito ‘yung gusto rin nating pang-reach out sa mga tao. Ito ‘yung pagbibigay natin ng serbisyo sa tao, sa ating munting paraan, ‘Yun po. Kaya napalabas ako ng lungga,” natatawa pang sabi niya.
Kamusta ‘yung first taping day niya as a host? Kinabahan ba siya?
“Siyempre, nandu’n ‘yung kaba. Pero mas nangingibabaw ‘yung excitement,” sagot niya.
“Kasi maganda talaga ‘yung show, eh. Maganda ‘yung adhikain natin. Sabi nga nila ‘pag pure intention, walang magiging mali. Parang we’re here to serve.”