
Angeline Quinto denies rumoured romance with Eric Santos
Sumabak na rin sa paggawa ng indie film ang singer turned actress na si Angeline Quinto.
Kasama siya sa pelikulang “Malinak’Ya Labi” na isa sa pitong kalahok sa full-length narrative feature category ng 2016 Cinemaone Originals.
“Isa akong titser dito sa isang public school sa Pangasinan. Nagtuturo ng mga bagets. Nagkakilala kami ni Allen noong araw na may natagpuang patay na bata malapit sa iskul. Siya iyong umaayos ng krimen tapos niligawan niya ako”, paglalarawan niya sa kanyang role.
First time raw niyang makatrabaho ang award-winning actor na si Allen Dizon and she feels blessed.
“Nakaka-pressure siya. Siyempre, award-winning actor na iyan at kailangang makipagsabayan. Pero kung gagawin naman, kakayanin talaga. Dream ko kasi ang makalabas sa drama”, aniya.
Bagamat nakalabas na sa mga pelikula, hindi pa raw naipakikita nang lubos ni Angeline ang kanyang kakayahan sa drama.
Nalinya kasi siya sa mga comedy films tulad ng roles niya sa mga pelikulang “Born For You”, “Four Sisters and a Wedding”, “Beauty in a Bottle” at “That Thing Called Tanga Na” kung saan napansin ang kanyang potensyal bilang komedyana.
“Iyon kasing karakter ko rito, napakalayo sa personality ko kung ano ako as a person. Sobra siyang kabaligtaran na napakahinhin, halos hindi ngumingiti, walang kaibigan pero independent naman. So, ang challenge sa akin ay iyong iarte ang role na hindi talagang ako”, esplika niya.
Ito rin ang kauna-unahang pelikula niya na ibang dialect ang ginamit niya.
“Taga Pangasinan kasi ako. Halos lahat ng dialogue ko ay Pangasinense. Nahirapan ako noong una pero tinulungan ako ng aming director na si Direk Abdel dahil tubong Pangasinan siya at siyempre ang dami naman puwedeng magturo sa akin sa set”, pahayag niya.
Ayon pa sa songstress, nag-enjoy siya sa paggawa ng nasabing indie.
“Mas mabilis ang indie. Kapag indie kasi, hindi nasusunod lahat ng nasa iskrip. Hinahayaan ka minsan ng director mo na i-interpret ang role mo sa paraang nakikita mo. May freedom ka kung paano mo bibigyan ng atake iyong role mo”, paliwanag niya.
Dagdag pa niya, dream role niya ang katulad ng role ng Optimum Star na si Claudine Barretto sa “Anak”.
“Isa kasi siya sa pinakapaborito kong movie at idol ko talaga si Claudine. Kung bibigyan nga ako ng chance, paghahandaan ko talaga siya”, aniya.
Tungkol naman sa kanyang rumoured boyfriend na si Eric Santos, ito ay idinenay ni Angeline.
“Hindi naman talagang naging kami ni Eric, pero wala naman kaming dini-date na iba. Lumalabas lang kami kapag may mga okasyon sa bahay namin tulad ng birthday noong Mom at Dad niya, so friends lang talaga kami”, paglilinaw niya.
Ayon pa sa kanya, willing naman siyang gumawa ng proyekto na kasama si Eric.
“Si Ma’am Charo kasi, gusto niyang gawan kami ni Eric ng episode sa MMK. Sinabi niya iyan sa akin noong anniversary ng MMK. Okay lang naman sa akin basta babagay iyong roles sa amin ni Eric”, pagwawakas niya.
Ang Malinak ‘Ya Labi (Silent Night) ay hango sa isang tanyag na awitin sa mga Pangasinense na ang ibig sabihin ay mapayapang gabi.
Ito ay tumatalakay sa hiwagang nakapaloob sa mga masalimuot na mga kuwento ng serial killings sa isang bayan sa Pangasinan kung saan naging tradisyon na ang pag-aalay at pagpatay ng mga hayop upang ihanda sa ritwal sa pagtatayo ng mga istruktura.
Maliban kay Allen, kasama rin sa cast sina Althea Vega, Marcus Madrigal, Menggie Cobarrubias, Dexter Doria, Richard Quan, Luz Fernandez at marami pang iba.