
Anton Diva promises to showcase own artistry
Malaking karangalan para kay Anton Diva na makasama sa stage ang kanyang idolong ginagayang si Regine Velasquez.
Aminado naman si Anton na fan siya ng Asia’s Songbird at malaking bahagi ng kanyang tagumpay ay dahil nakilala siya sa pagbirit ng mga awiting pinasikat ng singer-actress.
Sobra rin siyang flattered nang sorpresang maging guest siya sa nakaraang soldout concert na “The Songbird and the Songhorse” nina Regine at Vice Ganda na ginanap sa Araneta Coliseum noong Pebrero.
Katunayan, well-applauded ang number nilang “Shine” na itinuturing ding national anthem nila ng unkabogable star noong pareho pa silang nag-iimpersonate ng kanilang idolo sa mga sing-along bars.
Nilinaw din niya na hindi nalilimitahan ang kanyang artistry kung sakali mang identified siya sa panggagaya kay Regine.
“Hindi naman puwedeng mahiwalay sa akin si Ms. Regine. Whenever I have a show o whenever I go out of town, sa mga probinsya o sa ibang bansa, iyon ang ini-expect nila sa akin,” sey niya.
“Ako naman, I can’t deny the fact na si Anton si Regine. Kumbaga, lumihis man ako sa pagkanta ko, nandoon pa rin ang timbre ni Regine o style ni Regine. I owe it to her dahil kung saan man ako ngayon, dahil iyon kay Ate,” dugtong niya.
Gayunpaman, gusto raw niyang patunayan na hindi lang mga awitin ni Regine ang kaya niyang ibirit dahil isho-showcase niya ito sa kanyang concert.
Napatunayan na rin kasi niya ang kanyang versatility nang gawin niya ang covers ng “We Could Have it All” ni Maureen Mcgovern, “Boy” ni Timmy Cruz,” Ayoko Na Sana” ni Ariel Rivera at marami pang iba.
Sa darating na Hunyo 15 (Sabado), magpapakitang gilas siya sa Shine XXII AD concert na idaraos sa Cuneta Astrodome sa ganap na alas-8 ng gabi.
Bibirit siya ng mga signature songs na pinasikat ni Regine at iba pang awiting nagpakilala sa kanya bilang singing diva.
Ito ay isang musical extravaganza kung saan mamamalas hindi lang ang galing niya sa pag-awit at pagsayaw kundi sa pagpapatawa.
Ang kanyang one-night only concert na hindi dapat palampasin ay hatid ng Teri Onor Entertainment Services (TOES) mula sa direksyon ni Peter Flores Serrano.
Ito rin ay selebrasyon ng ika-22 anibersaryo niya sa showbiz at birthday treat na rin para sa kanyang mga fans.
Special guests din dito sina Vice Ganda, Regine Velasquez. Kasama ring magpe-perform sina Michael Pangilinan, Raging Divas, Ms. Q & A 2019 Mitch Montecarlo Suansane at Jewel Jhonson. Front act naman ang Pepper Divas at Rapture Girls.