
Arjo to three Kapamilya actors: Hindi sila mababaho, gusto ko lang silang bigyan ng pabango
(Photo from Edward Dela Cuesta)
Ipinakilala na nung Sabado sa entertainment press ni Ms. Rei Ramos Anicoche Tan, ang CEO at owner ng Beautederm, ang newest endorser nila, at ito ay si Arjo Atayde.
Ang award-winning actor ang endorser ng parfum line ng Beautederm called Origin Series, na may tatlong klase ng scent, ang Alpha, Radix at Dawn.
Ipinaliwanag ni Ms. Rei kung bakit si Arjo ang kinuha niyang endorser ng Origin Series.

Sabi niya, “Si Arjo kasi embodies versatility, di ba? Kaya niyang maging sweet, kaya niyang maging kontrabida, na kinaiinisan ng lahat ng tao.
“Puwede siyang maging lawyer, maging heartthrob. At isa pa, pogi itong anak ko, matalino, smart. Dahil ang market din po natin ay A and B talaga, so siya po talaga ang gusto ko, as the first ever amabassador ng ating parfum.”
Kung sakaling gagawa naman siya ng parfum na pambabae, sino ang tatlong female celebrities ang gusto niyang gawan?
“Isa kasi sa mga idols ko rin, si Alice Dixson, Ria Atayde and Marian Rivera,” sagot ni Ms. Rei.
Nagpapasalamat naman si Arjo kay Ms. Rei na kinuha siyang endorser ng Origin Series dahil mahilig daw siya sa pabango. At sobrang nagugustuhan daw niya ang scent ng mga ito.
“I use it everyday,” sabi ni Arjo.
Dahil tatlo ang scents na ini-endorse ni Arjo, tinanong siya, since panlalaki ang parfum, kung sino ang tatlong lalaki na kasamahan at kaibigan niya sa showbiz, ang gusto niyang bigyan ng mga ito.
“Si Joseph Marco, Enchong Dee at Coco Martin. Pero hindi sila mababaho, ha! Gusto ko lang silang bigyan ng pabango,” ang natatawang sagot ng newest endorser.
Ang Alpha ay hindi lang amoy-panlalaki, pang-unisex ang amoy nito, na pwede rin sa babae. Kaya tinanong din si Arjo kung sino naman sa mga babae ang gusto niyang bigyan ng Alpha.
Ang sagot niya ay ang kapatid niyang si Ria Atayde, ang rumored girlfriend na si Sammie Rimando, na member ng GirlTrends na napapanood sa It’s Showtime at si Sue Ramirez.
Samantala, nagtapos na nung Friday ang seryeng “Hanggang Saan” ng ABS-CBN 2, na gumanap dito si Arjo bilang si Paco, ang panganay na anak ng tunay niyang inang si Sylvia Sanchez.
Afer “Hanggang Saan,” hindi raw muna tatanggap ng serye si Arjo.
“Siguro pahinga po muna ako, at least maybe two months from teleserye.
“Kasi coming from “Ang Probinsiyano,” I didn’t really have a breather eh, sumalang agad ako sa Hanggang Saan.”
Focus daw muna si Arjo sa paggawa ng pelikula.
“I shot a movie months ago. And I’m currently shooting another one. Pero hindi pa po pwedeng sabihin ang detalye.”
Ang Origin Series ay available na rin online simula sa May 2.
And soon, ay magkakaroon na rin ng branch ng Beautederm sa Singapore at Hongkong.
O, di ba bongga ang Beautederm ni Ms. Rei?
••••••••••••••••••••••••••••
Mamayang gabi na gaganapin ang first major concert ng tinaguriang “The Singing Idol” na si LA Santos sa Music Museum billed as #Petmalu.
“Excited po ako dahil first major solo concert ko ito. May halong kaba rin po siyempre, hindi po siguro talaga mawawala ‘yon. Pero siguro po ay normal lang na makaramdam ng ganoon talaga,” sabi ni LA sa presscon ng kanyang concert.
Ipinaliwanag ni LA kung bakit #Petmalu ang title ng kanyang concert.
“Ako po ang nakaisip ng title ng concert ko. Kasi po, malupet ito, pati na ang mga guest ko. Hindi lang po ako kakanta rito, kundi sasayaw din.”
May pasabog sa kanyang concert ang gwapong bagets.
“Kaya sana ay abangan po nila. May production number po kami ng mga guest ko at magdu-duet kami ng sister ko na si Kanishia Santos.”
Gaano siya kasaya ngayon sa nangyayari sa kanyang showbiz career?
“Masaya, sobra po, pero hindi pa ako satisfied, paulit-ulit kong sinasabi po ‘yon. Ayaw ko po kasing ma-satisfied, naniniwala kasi ako na marami pang mangyayari sa career ko, kumbaga po ay umpisa pa lang ito. Kaya talagang work hard lang ang gagawin ko. Kumbaga, gusto ko pong ituloy-tuloy lang, at talagang pagsisikapan at paghihirapan ko po para matupad ko ‘yung dreams ko.”
Nang matanong kung sino ang kanyang showbiz crush, si Janella Salvador pa rin ang sinagot ni LA. Noon at hanggang ngayon pala, ay ang dalaga ang kanyang hinahangaan.
“Gustong-gusto ko po ‘yung smile niya. Pinapanood ko po lahat ng movies niya. Pero hanggang crush lang po ako sa kanya, wala po akong balak na agawin siya kay Elmo Magalona.”
Bukod sa kapatid na si Kanishia, kabilang din sa special guest ni LA sa kanyang concert ay sina Jaya, Jona, Michael Pangilinan, Imelda Papin, Claire dela Fuente, Eva Eugenio, Boobsie Wonderland at IanVeneracion.
Ang #Petmalu ay hatid ng J.E.D.I. (Joed Entertainment Department Incorporated) ni Joed Serrano at Dream Wings Production Inc. Ang musical director naman ay si Iean Iñigo.